Puro Dapat, dapat, dapat

0
45

Pansin niyo ba na sa mga pag-uusap natin na may kinalaman sa pulitika, relihiyon, mga institusyon, o bagay na may kakabit na isyu, ang dalas nating gamitin ang salitang ‘dapat’ karugtong ng mga pananaw at opinyon natin? May kasama pa itong emosyon at pagdidiin sa ating opinyon. Kadalasan ko itong nararanasan kapag nakikipag-usap ako sa mga driver ng mga car-sharing apps. Alam natin na mula sila sa iba’t ibang estado ng buhay at gumagamit ng mag-kakaibang lente sa pagtingin sa mga bagay.

“Dapat tanggalin na iyang mga swater na yan diyan.”

“Dapat walang barrier diyan, nakakatrapik. Nakakalito, lagi na lang nilang binabago iyan.”

“Dapat magdagdag sila ng tao para bumilis ang trabaho.”

Dapat, dapat, dapat.

Ganyan sinasabi natin kapag tingin natin alam natin ang lahat ng bagay, tingin natin tama tayo, o tingin natin naiintindihan natin ang buong sitwasyon.

Nagkaroon kami ng process evaluation sa aming opisina at doon ako nagka-ideya sa kung gaano kabilis tayo magsabi ng ‘dapat’ o jump into conclusion. Sa katayuan nga namin na may ilang taon na sa aming trabaho, akala ko alam na namin ang mga aspetong gumagalaw at nakakaapekto sa aming ginagawa. Alam na dapat namin ang ‘dapat’ gawin. Ang natutunan ko ay mahalaga ang datos, impormasyon, pag-intindi, at aksiyon.

Gusto kong hamunin ang mga “dapat, dapat, dapat” na mahilig natin sabihin bilang mayroon naman tayong kalayaang ipahayag ang ating mga naiisip. Hahatiin ko ito sa tatlong punto na base na rin sa mga naintindihan ko mula sa process evaluation na aking sinamahan: (1) sukat ng datos o impormasyon para maging basehan ng ‘dapat’, (2) lawak ng pag-intindi sa mga aspetong nakakaapekto sa sitwasyon kasama dito ang tao at laki ng problema, (3) aksiyon na kakabit o kumokontra sa ‘dapat’.

MAY BASEHAN BA ANG DAPAT

Dapat tanggalin na ang mga jeep. Nakakatrapik lang yan. Ito ay isang halimbawa lamang ng sitwasyon at ng posibleng ‘dapat’. Ang tanong ay ano ang datos o impormasyon na mayroon at totoong alam natin. Ang datos ay nangangahulugang statistics. Ilan ang jeep? Bakit maraming jeep? Kasi maraming tao na bumibiyahe araw-araw papuntang trabaho, eskuwela, sa isang lugar malayo sa kanilang bahay. Kasi maraming naghahanap-buhay sa pamamasada. Kasi ito ang murang paraan ng transportasyon. Bakit maraming tao? Bakit maraming bumibiyahe ng malayo sa kanilang bahay? At marami pang susulpot na mga tanong lalo na sa pag-aanalisa ng root cause. Kailangan ang sapat na impormasyon bago malaman ang totoong solusyon, ang totoong dapat.

HINDI TUGMA ANG DAPAT SA AKTWAL NA KARANASAN

Dapat tinanggal na niya sa trabaho. Palpak naman yan. May kwento ang bawat tao sa isang sitwasyon. Siya ba talaga yung may kasalanan kaya dapat siya ang parusahan? O siya lang ang mukhang nakikita natin na may koneksyon sa nangyari? Bakit kaya nagkamali? Saan nagkamali? Anong nangyari? Ilagay ang sarili sa sitwasyon ng taong iyon. Ilagay ang sarili sa sitwasyon. At isipin ano kayang pakiramdam. Anong mga posibleng pag-daanan? Magtanong hindi sa paraang dunung-dunungan o self-righteous. Magtanong para makaintindi, hindi para humusga. Kadalasan ang pagsasabi ng dapat ay may kakabit na pagpapakita na mas mataas ang katalinuhan o kagalingan. At nagreresulta ito para hindi makatulong ang ‘dapat’. Kailangan malaman ang realidad.

HINDI GINAGAWA ANG DAPAT

Dapat kasi pumila sila para mabilis tayo. Ito yung nagpapakita ng ekspektasyon natin sa ibang tao. Ang kaso, may mga pagkakataon na yung nagsasabi ng ‘dapat’ ay siya rin hindi gumagawa ng ‘dapat’. Kapag na-inip, siya ring hahanap ng paraan para mauna. Kung hindi man literal na sisingit sa pila ay maaaring humanap ng kakilala sa dulo ng pila tsaka sisingit. O kaya sa mga proseso, makikisuyo na mauna ang pinapagawang bagay. May pag-iisip na kahit alam naman kung ano ang ‘dapat’ ay gagawin ang taliwas dito, dahil yun din naman ang ginagawa ng iba.

Madali para sa atin magsabi ng ‘dapat’ base lang sa pinaka-obvious na solusyon na nakikita natin at tingin nating tama. Hindi masama ang magsabi ng opinyon dahil ito ay natural para sa atin bilang may katangian at kakayahan tayong mag-isip at makabuo ng ideya. Hindi nga lang ito ang absolute truth na pwede nating paniwalaan. Maraming sangay-sangay na dahilan ang mga problema. At kung gaano ka-complex ang bawat problema ay ganun din ang solusyon. Kailangan maging kritikal tayo sa pag-oobserba sa mga bagay bago natin masabi na alam talaga natin yung ‘dapat’ gawin. Sa susunod na nararamdaman natin na malapit na tayong magsabi ng ‘dapat…’ ay kontrahin natin ito ng mga tanong. Bakit kaya? Ano kayang magagawa ko tungkol dito? Dahil doon lang magkakaroon ng saysay at silbi ang mga ideyang ating sinasabi.#

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here