Pauwi Na (Movie): Mahirap Maging Mahirap sa Maynila

0
116

Pumunta sa Maynila dahil sa pangakong aasenso ang buhay dito. Iniwan ang lupang sinasaka, ang pangingisda, ang hanapbuhay, o maski pamilya para sumugal sa mga oportunidad na sa siyudad lang daw makukuha.

Ang pangako ng magandang buhay sa Maynila ay parang isang TV commercial? Hindi nito sinasabi ang buong istorya at hina-highlight lang ang mga kaakit-akit at kapana-panabik na bagay tungkol sa ibinebentang ideya.

Ang mapait na katotohanan ay hindi laging jackpot ang dadatnan pagdating sa patutunguhan. Anong mangyayari kapag napagtanto ng isang pamilya na ang inaasahang magandang buhay sa Maynila ay hindi na isang posibilidad? Ito ang kwento ng pelikulang Pauwi Na (Pedicab).

Ang Pauwi Na (Pedicab) ay kumuha ng inspirasyon mula sa isang artikulo sa Philippine Daily Inquirer, “Family pedals way back home to Leyte”, na nilathala noong 7 Setyembre 2003. Pinakita ng pelikula ang paglalakbay ni Mang Pepe at ng kanyang pamilya gamit ang dalawang pedicab mula Maynila patungo sa kanilang probinsya.

HIRAM NA PEDICAB NI JP

Si JP ay ang panganay na anak ni Mang Pepe. Masasabi mong siya’y madiskarte sa buhay, hindi lang sa paraang katanggap-tanggap sa ating lipunan. May eksena sa pelikula na pinakita na nang-snatch siya ng cellphone. Ganun din nang mapagdesisyunan ng kanilang pamilya na bumalik na sa probinsiya, siya ang naghanap ng isa pang pedicab na gagamitin nila. Sa gabing nagnakaw siya ng pedicab ay kasama niya ang kanyang asawa na si Isabel. Alam niyang ikinasama ng loob ng asawa na siya ay nanlamang sa kapwa sa ginawa niya. Kanyang sinabi sa kanyang asawa na isa siyang mabuting tao.

Masisisi mo ba si JP sa kanyang ginawa kung yun lang ang alam niyang paraan para tugunan ang pangangailangan ng kanyang pamilya? O inosente ba siya? Naisip ko na sa mga pagkakataong ganito, paano mo nga ba maaasahan na isipin pa ng isang tao ang tama o mali, ang isipin ang kanyang kapwa o ang bansa kung ang sariling mga pangangailangan ay hindi niya masolusyonan. Paano nga ba uunahin ang iba bago ang sarili?

ANG PAGKAPIT NI ISABEL KAY HESUS

Si Isabel ang bulag na asawa ni JP na nagdadalang-tao sa kanilang unang anak. Sa kabila ng pagiging bulag ay siya lang ang literal na nakakakita kay Hesus. Sa isang eksena ay pinakita ang literal na pagkapit niya sa Panginoon habang tumatawid sa Commonwealth Avenue. Sabi nga ni Hesus sa kanya ay maswerte siyang bulag siya dahil siya lang ang totoong nakakaramdam at naniniwala. Ang isa pang magandang mensahe sa kanya ni Hesus ay na kailangan ang paghihirap para maramdaman ang tunay na ligaya. Oo nga naman, kung wala tayong konsepto ng pangit at hindi rin natin malalaman kung ano ang tinatawag na maganda.

Napakaganda ng karakter ni Isabel dahil siya ang simbolo ng pag-asa sa kwento. Tuloy ang buhay basta’t maniwala ka lang. Kahit gaano pa kahirap ay maaari kang kumuha ng lakas mula sa Panginoon at lahat ay kaya mo nang gawin. Naisip ko rin na isang malaking pagsubok ang patuloy na manampalataya kapag sobrang hirap na ng pinagdadaanan natin sa buhay. Paano ka nga ba mananalangin kung sa pakiramdam at dinadanas mo ay tila nakalimutan ka na ng Diyos?

HINDI PA NALILIGO SI PINA

Si Pina ang bunsong anak ni Mang Pepe. Umaasa na makaraos mula sa kahirapan sa kahit anong paraan maski mag-asawa ng foreigner na mayaman. Sa isang eksena ay hindi na napigilan ni Pina ang umiyak dahil sa sobrang nahihirapan na siya sa kanilang paglalakbay. Ilang araw na silang hindi kumakain noon. Sinabi niya “para na tayong hindi tao nito eh”. Kasunod nito ang ideya na lutuin ang alagang aso nila na si Kikay.

Mabigat ang linyang sinabi ni Pina para sa akin kasunod pa ng pagluto sa asong si Kikay dahil doon nabigyang diin ang komparison ng tao sa hayop. Bilang isang tao na mahilig sa hayop ay nasaktan din ako na kinailangan patayin si Kikay para may makain sila. Umabot na sila sa punto ng kagipitan na kahit ang minamahal na alaga ay kailangan isakripisyo. Ngunit naisip ko rin, ano nga bang uunahin, ang alagang hayop o ang kalam ng sikmura ng tao? Sa atin na may mga alagang hayop, matindi ang pag-aalaga natin sa kanila at itinuturing na parang tao na bahagi ng ating pamilya. Ngunit kailangan din natin maalala na may mga kapwa tao tayo na nakakaramdam na para na silang kasing baba ng mga hayop sa sobrang hirap ng kanilang buhay.

MALINIS NA TUBIG NI DORAY

Sa isang pagtigil ng pamilya ni Mang Pepe ay nakilala nila si Doray. Ipinagdamot ni Doray ang tubig mula sa poso. Kasunod ng pagpapakita na isa siyang relihiyoso sa paraan ng pagpapaliwanag niya sa kanilang kurang paruko sa kung anong nangyari. Sa isang eksena naman ay pinakita ang pagsubok ng pari na molestyahin si Pina ng sila’y maiwan na magkasama.

Ito ay pagkwestyon sa isang institusyon ng lipunan, ang simbahan. Mayroong mga tao sa simabahan na nagbabalat-kayong mga puting tupa pero hindi nakakasunod sa mga aral ng relihiyong kanilang pinananampalatayanan. Naisip ko rin ang kabiguan ng simbahan na tumulong sa mga nangangailangan ng kawang-gawa mula dito.

NAKAUWI NA SI REMEDIOS

Si Aling Remedios o Remi ay ang asawa ni Mang Pepe. Kahit na may talas ang dila, minsan pala-sigaw, at mareklamo ay hindi matatawaran ang pagmamahalan nila ni Mang Pepe. Mahirap man ang buhay ay mayaman sila sa piling ng isa’t isa dahil tunay ang kanilang pag-ibig. Ipinaalala ni Aling Remi ang kanilang pangako nang sila’y ikasal na “walang iwanan”. Sa pagsasabi niya kay Mang Pepe na “nakauwi na ako”, naisip ko na nasagot na ang pamagat ng pelikula. Ang tahanan ay kung nasaan ang iyong pamilya.

Nasabi rin sa pag-uusap ng mag-asawa na kung magkakaroon ng isa pang buhay si Mang Pepe ang hiling niya ay ang makasama pa rin si Aling Remi. Inakala ko na ang sasabihin niya ay ang mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya pero nakakataba ng pusong isipin na para sa isang taong naghihirap tulad nila ang masasabing kayamanan nila ay ang isa’t isa. Ang naramdaman ko nga lang sentimyento ay sana nabuhay sila sa isang lipunan na sumusuporta sa pagkakaroon ng maayos na pamumuhay. Hindi naman nila kailangan maging mayaman, pero sana ay mayroon sila ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng bahay, pagkain, at hanapbuhay.

NAMATAY SI PEPE SA OSPITAL

Ang pinakamasakit na eksena para sa akin ay ang mamatay si Mang Pepe sa labas ng ospital habang nanganganak si Isabel. Para sa akin ay ipinakita nito ang pagkukulang ng institusyon na dapat ay nagliligtas ng buhay. Napakalaking kabalintunaan ng eksenang ito para sa akin. Naisip ko ang mga mahal na ospital at bayad sa doktor at kung gaano karami ang nangangailangan ng panggagamot pero hindi ito nakukuha dahil wala silang pera.

Ang Pauwi Na (Pedicab) ay isang pelikulang nagpapakita ng totoong kwento sa lipunan. Walang dramang pangtelenovela pero may bigat dahil dala nito ay mga tanong at realisasyon sa buhay ng tao. Ito ay isang tunay na obra maestra ng ating panahon!#

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here