Para saan nga ba ang ASEAN?

0
381

Latest posts by Michèle Joie (see all)

Sa ngayon malamang ay rinding rindi ka na sa walang humpay na balita tungkol sa ASEAN Summit, o Association of Southeast Asian Nations (Samahan ng mga Bansa sa Timog-Silangang Asya sa Tagalog).

Kung nasa Metro Manila ka, isa ka rin siguro sa mga nagtataka kung bakit kinakailangang ipasara ang 4 na kalsada para lamang sa mga lider ng iba’t-ibang bansa na dadala sa pagtitipon. Malamang ay umuusok na din ang iyong puwet, tenga, at ilong sa haba ng trapik at mala pagong na usad nito.

Kung estudyante at nagtatrabaho ka naman sa gobyerno, ay malamang tuwang tuwa ka dahil walang pasok at pwede kang matulog hanggang tanghali.

Kung isa ka naman sa mga nakikialam sa mga kaganapan ng bansa, ay malamang ipinagtataka mo naman kung papaanong naituring ng gobyerno ng Pilipinas na makatarungan ang P15 bilyong budget na inilaan nito para lamang sa isang linggong pagtitipon. Saan kaya nila hinugot ang ganito kalaking salapi sa gayong wala silang maipamahagi na tulong sa mga naghihirap na mamamayan at baon na baon pa rin sa utang sa World Bank?

Ano nga ba ang ASEAN

Ang ASEAN ay itinatag ng Indonesia, Malaysia, Pilipinas, Singapore at Thailand noong Agosto 8, 1967 sa Bangkok, Thailand. Kinalaunan ay sumapi ang Brunei, Vietnam, Laos, Myanmar, at Cambodia sa asosasyon. Ito ay naglalayon na magkaroon ng kapayapaan, katatagan, at kasaganahan sa pagitan ng mga bansa sa pamamagitan ng pagtutulungan sa pag-unlad at pagkakaroon ng komunidad na mapagkalinga sa lipunan.

Naglalayoon din itong mapalago ang ekonomiya at kultura ng bawat kasanib na bansa at magkaroon ng pangrehiyong pagkaka-isa sa pamamagitan ng paggalang sa kanya-kanyang batas at pag sunod sa mga palatuntunin ng United Nations.

Ang mga bansa ay nagkakaloob din ng tulong sa isa’t-isa tuwing may sakuna at nagbabahagi ng mga kaalaman sa larangan ng ekonomiya, kultura, agham, pananaliksik, edukasyon, at iba pang larangan. Nagtutulungan rin ang mga ito upang mapabuti ang industriya ng agrikultura, paglawak ng kalakalan, at pagpapabuti ng mga pasilidad sa trasportasyon at komunikasyon upang mapabuti ang buhay ng kani-kanilan nasasakupan.

Pagganap sa Pilipinas

Ito na ang ikatlong beses na gaganapin ang ASEAN sa bansa. Unang beses itong nangyari noong 1987 sa Cebu at nasundan noong 2007 sa Manila.

Nakaktuwa nga dahil kapag binisita ninyo ang website ng ASEAN ang una ninyong mababasa ay ang panbungad na mensahe mula sa Pilipinas. Ayon dito “The Philippines is honored to be the Chairman of ASEAN 2017, and we look forward to the year ahead as we continue to pursue and enhance cooperation with you, our neighbors.

The theme “Partnering for Change Engaging the World” reflects the Philippine government’s advocacy to promote unity with and among ASEAN member states and its global partners. We invite everyone to become dynamic and vibrant allies as we envision a future that is prosperous for all citizens.”

Pagkabasa ko nito ay agad akong natawa dahil sa kakaibang ihip ng hangin ng mensahe. Tila ba isang mabait na tuta ang Pilipinas na nanghihingi ng pagkain at pinaniniwala ang amo na ‘behave’ ito. Nasaan ang angas na pinakita ni Presidente Duterte noong mga nakalipas na buwan? Nasan ang mga mura at kabalastugan?

Matatandaang pinagdidiinan ni Duterte ang pagkakaroon ng kasarinlan ng bansa. Ayaw nitong pinakikialaman siya ng ibang mga bayan at mga asosasyon sa pamamahala sa Pinas. Minura pa nga nito ang mga world leader tulad ni Obama at patuloy ang hidwaan sa pagitan ng United Nations. Pero sa ngayon ay adbokasiya daw umani nito ang pagkakaisa sa mga miyembro ng ASEAN at global partners?

Sabagay, mukha nga naman na nagkakaroon na ng pagkakaisa sa gitna ng mga bansang ito – tulad na lamang ng pagkopya ng Indonesia sa mga patayang nagagawa ng war on drugs ni Duterte. Kung hindi ninyo alam ang balitang ito, iniutos lang naman ng Presidente ng Indonesia Joko Widodo sa mga pulis na barilin ang mga drug trafficker na lumalaban sa pagkakaaresto. Ito ay nagbunga ng takot sa mga taga-Indonesia na maaari umanong magaya sa madugong laban kontra droga sa Pilipinas ang kanilang bansa.

 

Ano ba ang kahalagahan nito

Ayon kay Presidential Communications Assistant Secretary Kris Ablan, maraming pakinabang ang ASEAN Summit sa ating bansa. “Para sa mga mangangalakal, nagkakaroon tayo ng iba’t ibang meeting throughout the year. So yung mga hotel, yung mga car rental, yung iba’t ibang nagnenegosyo ay nakakakuha ng income galing sa mga summit.”

Nakatutulong din daw ito sa sector ng edukasyon sapagkat nagkakaroon umano ng mga educational forum sa iba’t ibang panig ng bansa.

“Natutunan din nila kung ano ang ibig sabihin ng pagiging parte ng Asean. Tapos sa pangkalahatan, marami rin tayong nakukuha sa Asean kasi alam niyo ba na ang ating mga tiket papuntang Brunei, papuntang Laos, papuntang Myanmar, Indonesia, at saka Malaysia, bumaba na ang presyo nito dahil sa mga Asean meetings na nangyayayari,” dagdag nito.

Nakapagbaba din umano ang meeting ng presyo ng mga bilihing galing sa iba’t ibang ASEAN na bansa katulad ng mga imported goods.

Pero sa katunayan, ramdam ba ng mga mamamayan ang mga pakinabang na ito?

Una sa lahat, kailangan ninyong malaman na ang mga kasunduan na mabubuo sa ASEAN ay kinakailangang “consensus” – ibig sabihin kailangang lahat ng bansa na kabilang dito ay umayon sa kasunduan. Kung may isang hindi sang-ayon sa ideya, hindi ito maipapatupad. Maraming mga debate ang umiikot tungkol sa ganitong pamamahala at kadalasang pinaniniwalaan na hindi epektibong proseso.

Ikalawa, bagamat isang estabilisadong grupo, hindi rin ganoon kalakas ang impluwensya nito sa labas ng kanilang kapulungan. Sa ika-30 ASEAN Summit na ginanap noong Abril, humingi ng tulong ang Pilipinas ukol sa agawan ng teritoryo laban Tsina sa West Philippines Sea. Ngunit sa inilabas nitong statement, hindi nabigyang diin ang reklamasyon at pagpanig sa Pilipinas kundi pantay at diplomatiko na pagtrato lamang sa dalawang bansa.

Ikatlo, hindi malinaw kung mababawi ba ng Pilipinas o makatutulong man lang sa kalidad ng pamumuhay ng mga mamamayan ang P15 bilyong piso na inilabas nito upang maidaos ang summit sa bansa. Sa katunayan, maraming mamamayan ang nanggalaiti sa laki ng halaga na ginastos para sa pagtitipon.

Ayon sa Kadamay at Bagong Alyansang Makabayan, ang bilyon bilyong pondo na nakalaan sa pagtitipon ay hindi makatarungan pagwawaldas ng pondo ng bayan na maaari sanang magamit sa pagbibigay ng mga pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino. Hindi umano dapayt sinasayang ng gobyerno ang kaban ng bayan upang magpasikat sa mga lider ng ibang bansa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here