NAPILITANG MAG-ABROAD DAHIL SA MGA UTANG

0
58

Jhen Dechilla

My name is Jhen Dechilla, a single mother and one-time OFW but I now choose to stay in the Philippines to be with my daughter.

Lakad ako nang lakad isang araw, mga katsismosa. Gusto ko kasing makatisod ng istorya. Siyempre, kailangan kong mayroong ma-interview. Ibig kong mayroon na naman akong maibahagi sa inyo. Gusto ko kasi, sumikat ako kahit konti lang. Ngunit sa paglalakad ko, nakaramdam din ako ng kapaguran kaya huminto ako sa isang tindahan at uminom ng softdrinks.

Hindi naman talaga ako mahilig sa matamis ngunit dahil nga sa nakaramdam ako ng matinding uhaw, kinailangan ko munang mag-stay doon.

“Jhen!”

Nang marinig kong may tumawag sa aking pangalan, agad ko siyang nilingon. Hindi man ako nakaharap sa salamin ay tiyak kong nanlaki ang mga mata ko. “Malou.”

“Yes, ako nga.”

“Hindi ba nasa abroad ka?”

“Dalawang taon na ako sa Pilipinas. May asawa na nga ako.”

Nang maalala kong nanggaling nga pala siya sa Libya ay bigla akong nabuhayan ng pag-asa. Naisip ko rin na ito ang pagkakataon ko para madagdagan pa ang aking artikulo. Sayang nga lamang at hindi ko nadala ang aking cellphone kaya hindi ko siya makukuhanan ng larawan para mapatunayan na may Ate Malou akong mai-interview.

“Bakit ganyan ka makatingin?’ natatawa nitong tanong sa akin.

“Gusto kasi kitang ma-interview?”

“Ano?”

Sinabi ko sa kanya ang part-time job ko. Na ako ay nagsusulat at mga kuwentong OFW ang aking isinusulat. Hindi niya napigilan ang kanyang sarili at nagawa niya akong yakapin. Alam kong natutuwa rin siya para sa akin.

“Ano ba ang dahilan at naisipan mong mag-abroad noon?” tanong ko pagkaraan ng ilang sandali. Kaklase ko siya noong highschool at naging magkaibigan din kami. Hindi nga lang super close dahil lagi naman siyang nagmamadaling umuwi.

“Dahil sa utang.”

“Utang?”

Malalim na buntunghininga muna ang pinawalan nito bago muling nagsalita. “Naisanla kasi ni Tatay ang kapiraso niyang lupain ng magkasakit si Bunso. Siyempre, hindi ko naman hahayaan na mailit lang iyon kaya kinailangan kong gumawa ng paraan.”

Napangiti ako. Iyon ang isa sa pagkakapares namin. Masyado kaming magmahal sa pamilya. Gagawin namin ang lahat para sa aming mga magulang at kapatid. Kaya, hindi kataka-taka na nagdesisyon nga ng ganoon si Malou.

“Okay ka naman sa abroad?”

“Walanghiya ang naging amo ko roon. Hindi ko nga inakala na makakabalik pa ako ng buhay dito sa Pilipinas.”

Shocked ako sa sinabi niya kaya hindi na ako nakapagtanong. Siya naman ay nagtuloy-tuloy na magkuwento. Sabi ni Malou, kapag daw umaalis ang amo niya ay nila-lock nito ang bahay. Hindi raw ito maaaring basta-basta kumain. Makakatikim ito ng sapak sa among babae kapag nabawasan niya ang anumang pagkain na nasa ref nito. Maaari lang siyang kumain kapag binibigyan siya nito kaya kung minsan, malapit ng mapanis ang nakakain niya.

“Ilang beses din akong nabugbog.”

“Bakit?”

“Nakabasag ako ng pinggan.”

Sa pag-uusap naming iyon, nasabi ko sa aking sarili na napakapalad ko rin talaga at matinong amo ang napuntahan ko. Sa palagay ko kasi’y hindi ko kakayanin kapag sinasaktan pa ako ng amo ko kaya lang si Malou talaga ay matapang. Hindi susuko. Lahat ay gagawin para sa pamilya. Kaya nga noong matapos ang kontrata niya sa Libya ay nagmamadali siyang umuwi ng Pilipinas. Sa tingin daw kasi niya, ang pagbabalik niya sa Pilipinas ang ikalawang buhay niya.

Hay naku, talaga nga naman. Ang daming kababayan natin ang nagtitiis sa abroad para lang mayroong maipadalang malaki sa kanyang pamilya. Kunsabagay, wala na rin naman silang pagpipilian. Kakarampot lang ang kita dito sa Pilipinas kaya gustuhin man ni Malou, imposibleng makabayad siya ng utang kung dito lang siya sa bansa. Iyon nga lang, panganib lang ang kinaharap niya sa dalawang taon. 

 

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here