Nakita ko na ang tamang relihiyon

0
51

Sa higit 20 taong buhay ko sa daigdig na ito, maraming mga katanungan ang dumaan sa aking kaisipan. Natural sa akin ang magmunimuni at mag-isip-isip tungkol sa mga bagay na mas pinipili na lamang na huwag pagtuonan ng pansin ng ibang tao sa paligid ko.

Ipinanganak akong Roman Catholic at lumaki akong naniniwala na ito ang magdadala sa akin sa buhay na walang hanggan. Dahil na rin dito, ginawa ko ang lahat para lang masunod ang mga utos ng simbahan pati na ng aking nanay na maituturing na “Sagrada Katolika”.

Bilang “nabiyayaan” ng magandang speaking voice, ‘di ko lang ginamit ang aking boses sa mga declamation contests at kung anu-ano pa. Isa sa mga maituturing kong highlight ng aking buhay noon ay ang maging bahagi ng Commentators-Lectors (Comm-Lec) Guild ng aming visitas – isang maliit na simbahan sa aming sitio sa probinsya. Laking tuwa pa ng aking mga magulang nang mabigyan ako ng pagkakataon na maging tagabasa ng responsorial psalm sa araw ng aming mass confirmation. Alalang-alala ko pa ang litrato kong binaha ng gel ang buhok habang nakatayo ako sa tapat ng rebulto ng birheng Maria – suot ang blusa niyang simputi ng sampagita at balabal niyang kalangitan sa pagka-asul. Sigurado ako na sa mga panahon na yun ay ipinagmamalaki ako ng nanay ko dahil para sa kaniya ay anong buti at relihiyosong anak ang napalaki niya.

Nagpatuloy lang ang ganitong buhay Katoliko. ‘Di lang ako naging bahagi ng CommLec pero naging pinuno din ako ng Knights of the Blessed Sacrament ng aming sitio. Pinagdaanan ako ang iba’t-ibang stages – mula sa pagsuot ng simpleng polo (na gamit ko din pagpasok sa eskwelahan), hanggang sa magkaroon ng kapa hanggang baywang hanggang sa maging kapang hanggang tuhod na. Pakiramdam ko ay superhero ako na ang kapanyarihan ay mahugasan ang kamay ng pari at makalembang ang bell bago magsimula at misa at tuwing communion.

Hanggang sa matalakay namin ang Diyos at relihiyon sa Values Education sa hayskul.

Marami kaming natalakay ukol sa “pagiging mabuting tao” kung saan itinuro sa amin na ang tao ay likas na mabuti at ang madalas niyang gawin ay ikalat ang kabutihang ito. Sa daloy ng diskusyon na umabot siguro ng mga dalawang linggo, tinanong ng guro, “Sa lahat ng napag-usapan natin, ano tingin niyo ang mas napag-iisipan niyo na?” Kung saan ako ay nagtaas ng kamay at sinabing, “Gusto ko pong magpalit ng relihiyon.”

Ikinagulat ito ng klase.

At nang nagtanong sila kung saan, ang sagot ko ay Iglesia ni Cristo.

Hindi ito isang desisyon na minadali ko dahil may mga nakausap na din akong mga miyembro ng relihiyon na ito at natutuwa ako sa sistema nila. Sa kanila ko nakita ang disiplina mula sa pagpunta sa sambahan bilang responsibilidad (kung saan kailangan mo pang ayusin ang iyong tarheta para malaman na ikaw ay tunay na sumamba), pagkakaroon ng responsibilidad ng pagbibigay ng tulong-pinansyal ng naaayon sa iyong katayuan sa buhay, hanggang sa pagiging organisado nila sa sa pagboto tuwing eleksiyon. Sa kagustuhan kong mas matuto pa ukol sa kanilang paniniwala, nahikayat akong dumalo sa kanilang Pamamahayag – isang pagtitipon kung saan imbitado ang mga taong tulad ko na nagiisip-isip na lumipat sa Iglesia.

Iba ang karanasan nang nasa loob na nila at nakikita kung ano ang ginagawa nila. Ang disiplina sa bawat aksyon at ang pakiramdam na lahat ay may mataas na respeto sa kanilang paniniwala. Ngunit hindi ko na ikinatuwa ang nasabi ng kanilang ministro:

Ministro: “Ang ating relihiyon ay nakabase sa bibliya… at nasusulat na ang tamang paniniwala ay tatawaging Iglesia… at kaninong Iglesia bai to? Ito ay kay Hesu-Kristo… kaya tayo ang Iglesia ni Cristo!”

Mabuti pa sana kung ang kaibigan ko na lang ang patuloy na “nag-akay” sa akin sapagkat napakaliteral ng sinambit ng kanilang ministro sa puntong para sa akin ay isa na siya sa mga dahilang hindi sasapat sa paglipat ko sa kanilang paniniwala.

Patuloy akong naghanap.

Bago matapos ang hayskul bago ako mag-kolehiyo, doon ko nakilala ang mga Christians. Marami ang kasapian nila na bata na ka-edad ko. Marami rin sa kanila ang kilala kong Katoliko na tila mas nararamdaman ang presensiya ng Panginoon sa mga services na kanilang dinadaluhan. Sumama ako at ilang Sabado ko ding inulit.

Therapeutic. Yan siguro ang salitang makakapaglarawan ng karanasan ko sa bawat service nila. Sa kanilang lugar, sayawan at kantahan at ganapan. Talon dito, talon doon. Hanggang sa mag-tongues ang ilan sa kanila – isang lenggwaheng ikaw at ang Diyos lang nakakaintindi. Kumpleto pa sila ng merchandise – may t-shirts, ballers at may malakihang mga pagtitipon pa!

Sinubukan kong maghanap ng katulad nila pagdating ng kolehiyo at marami namang tulad nila sa aming pamantasan. Ngunit kasunod nito ay ang pagkamulat ko sa mga mas marami pang katanungan sa buhay at sa pananampalataya. Unti-unti kong kinwestiyon kung bakit kailangan ng relihiyon upang maging mabuting tao. Hanggang sa puntong kinakausap ko na din ang aming cell leader. ‘Di na ako na-satisfy sa mga sagot niya kaya unti-unti na din akong hindi nagpakita. Isang beses ay sinabihan niya ako na sana ay makapag-usap kami kung saan nagsabi pa siya na dadalhin niya ang bible niya, kung saan ang sagot ko ay, “Sige po. Dadalhin ko din ang notes ko.” ‘Di na siya nagpakita.

Ngayon nabubuhay ako ng ‘di naniniwala na may Diyos. Masama ba akong tao? Hindi. Mas naiintindihan ko lang na I can be good without God. Wala kong tinatapakan na tao at nabubuhay ako na sumusunod sa mga batas. Tinutulungan ko ang mga nangangailangan at payapa akong nakakatulog sa gabi.

Madalas pa rin naming mapag-usapan ng aking nanay ang aking paniniwala kung saan lagi kong binabanggit sa kaniya na sa laki ng mundo natin, kung mali ang relihiyon ng kalahati ng populasyon, ibig sabihin ba nito na kalahati ng sangkatauhan ay masusunog sa impyerno? Parang hindi ko kayang isipin yun lalo na kung naging mabuti naman ang mga taong iyon. At kung tunay na mabuti ang Diyos, bakit hindi na lang siya magpakita (tulad ng ginagawa niya yata dati) at sabihin sa atin kung ano ang tama? At kung iisipin, naniniwala ka ba sa relihiyon mo dahil naniniwala ka talaga o takot ka lang na pag pumanaw ka ay masusunog ka ng paulit-ulit? Mabuti ka ba dahil tunay kang mabuti o mabuti ka dahil kailangan mong maging mabuti? Hindi ba yun pagiging makasarili?

Nabubuhay ako ngayon sa kasalukuyan – hindi sa nakaraan na ‘di ko na mababago o sa hinaharap na ‘di ko naman alam kung meron pa nga ba. At sa tuwing may mangyayari sa bansa natin, mas pinipili ko ang #DoSomethingForThePhilippines kaysa #PrayForThePhilippines.

Nakita ko na ang tamang relihiyon – ito ang pagiging makatao. -#-

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here