Naghahanap Ako ng Nakakatawa

0
50

Latest posts by @nagmamatyag (see all)

Mahilig ako sa jokes at humor. Ito nga ang topic ko sa dissertation na di naman naappreciate ng aking panel. Sa Pilipinas kasi, di pa sineseryoso ang jokeat  humor research. Sabi nga ng namayapa kong dating propesor-joke nga e, bakit mo pag-aaralan? Syempre pa, mali siya. (sumalangit nawa ang kaluluwa ni Sir). Isang mainam na batayan ng saloobin at estado ng pag-iisip ng isang tao o grupo ng tao ang mga bagay na ikinatatawa o pinagtatawanan niya. Ang mga Pilipino ay may malakas na “sense of humor”. Mabilis tayong makaisip ng nakatatawa mula sa isang bagay o sitwasyon kahit pa nga sa umpisa ay seryoso ang mga ito. Dahil dito, marami tayong jokes tungkol sa sex, kamatayan, pulitika at mga kalamidad.

Nasa yugto na naman tayo ng ating kasaysayan na nakadidismaya. Ano na naman ba ang ginawa natin at pinarusahan natin ang mga sarili natin ng isang Pangulong araw-araw na lang ay sanhi ng sakit, sama ng loob, disgrasya, at pagkapahiya? Bakit nagawa ng mga Pinoy na iboto siya gayung kung tutuusin ay di naman talaga nakatatawa ang kanyang mga pagmumura, pambabastos at pang-iinsulto? Pero naganap na nga ang maling pagpili kung kaya’t magkasya na lang muna tayo sa pagbabantay at pag-aantay kung kalian matatapos ang kalbaryong ito. Naligtasan ko si Marcos at ang inis na dala ng 9 na taon ni Arroyo. Malalagpasan ko, harinawa, ang anim na taong kabuktutan ni Digong pero kailangan ko ang aking “sense of humor”.

Ang aking sense of hunor ay yung tinatawag na “bordering on the sarcastic and ironic”. Kung gobyerno at kapwa naman ang sanhi ng pang-araw-araw na inis e talagang wala akong choice kundi maging sarcastic na lang. Maasim ang sarcasm. Nakatatawa pero may tusok. Parang black comedy. Tawanan nang tawanan ang pintas at isyung dala ng kulay at karanasan hanggang di na ito masakit sa pakiramdaman. Laugh till it hurts no more.  Ang Pinoy humor ay ganoon din. Sa gitna ng unos, disgrasya at kalamidad, nakukuha pang ngumiti at maya-maya’y tatawa na dahil yun lang ang panlaban sa pagbalot ng lungkot sa sinapit. Nakagagaan ang pagtawa tulad ng pag-iyak. Sa pagtawa nga lang di ka papangit di tulad sa pag-iyak.

Ano ang nakatatawa sa kasalukuyan nating kalagayan bilang isang bayan? Sa Twitter, pinagkakaabalahan na lang namin ang mga sablay ng PCOO at iba pang ahensiya ng gobyerno. Nangingisi na lang kami sa mga inconsistencies ng mga salita ng Pangulo (minsan mayaman, minsan hindi). Nauumay man at napapailing ay napapangiwi na ring parang ngiti sa mga antics ni Bato. Nagpipilit din kaming ma-entertain ng mga away nina Unthinking Pinoy et al. Pero ang lahat ng ito ay may kasamang mulat na pagtingin sa mga tunay na nagyayari sa atin.

Sa aking mga kaibigan sa Twitter, alam nila ang mga sensitibong bagay na di dapat gawing katatawanan: EJK, kahirapan, isyu ng mga kababaihan, human rights.Alam agad pag troll o sugo ni Mocha-madilim, may sa demonyo ang sense of humor. Ang mga ganyan ay di dapat nagtatagal online. Iblock o ireport at padalhan ng contraceptives para di na dumami ang lahi. Kaya mas gusto ko sa Twitter (wala ako sa FB). Mas maramig matinong mag-isip sa Twitter kaysa sa FB at YouTube. Di kaya ng utak ng mga mababaw na ASec at kanyang tagasunod ang level ng diskurso sa Twitter, pati na ng sense of humor.

Kagabi, nagsalita na naman si Digong tungkol sa kanyang nakaraan. Nakapatay na daw siya 16 anyos pa lang. Walang nakatatawa sa kanyang tinuran ngunit ang nakatatawang nakakainis at mapagpailing ng ulong comment ay mula sa isang panatikong nasa abroad. Natuwa at pinalakpakan nito ang pagyayabang ni Digong. Asan ang kaluluwa ng commenter na iyon? Naisanla na sigurado. Nilait din ni Digong si Barack Obama. Ang itim-itim daw. Yan. Very Pilipino yan. Marami kasi sa mga Pinoy ang racist-lalo na sa lahing itim. Kaya nga mabili ang whitening products dito, marami ang gustong pumuti dahil nilalait at pinagtatawanan ang medyo maitim.

Isa pang tanpulan ng kasayahan ng mga kampon ng presidente ang mga salita niya laban sa mga babae. Kahapon, sabi niya sasampalin daw niya si Agnes Callamard. Diyan mahusay si Digong, magsalita nang kung anu-ano laban sa mga babaeng kinaiinisan niya. Hindi yan nakatatawa pero sa isang hudyat lang ng diosa ng mga troll na si Mocha ay papalakpak ang mga di nag-iisip na tagahanga ng bastos na lider.

Sabi raw matindi ang problema natin sa droga. Di ko lang masiguro kung sino talaga ang parang laging “under the influence of “ : yung mga natokhang na suspek pa lang o ang mga troll, troll leaders aat mismong mga opisyal natin sa gobyerno na sinamam-palad na nanalo dahil ang naging pagboto ng marami ay di nakatatawa. #

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here