NABUNTIS NG NAMATAY NA BOYFRIEND

0
31
payo, artikulo, pag-ibig, kabiguan, pagmamahal, paghanga, martir, pag-asa,

Dear Maria,

Patay na ang boyfriend ko pero buntis ako. Hindi ko tuloy alam ang gagawin ko, siguradong magagalit sa akin ang parents ko at baka palayasin pa nila ako. Please, payuhan ninyo ako kung ano ang dapat kong gawin. — Bea

Bea,

Mahirap ang sitwasyon mo ngayon kaya talagang kailangan mo ang tulong ng iyong mga magulang. Oo, magagalit sila pero hindi ako naniniwala na kaya ka nilang palayasin. Saka, kahit naman gustuhin ng boyfriend mo na panagutan ka, hindi naman niya magagawa. Patay na siya. Kaya sa ayaw mo man at sa gusto, kailangan mong lumaban sa buhay para sa magiging anak mo. Huwag na huwag kang panghihinaan ng loob dahil hindi ‘yan makabubuti.

Anuman ang edad mo, kapag naging ina ka na, ang magiging anak mo na ang mas importante sa’yo. Hindi maaari iyong kung kailan ka buntis, saka mo sasabihing hindi ka pa handa maging ina. Ginawa mo ‘yan kaya panindigan mo. Kung sasabihin mong hindi mo pa kaya, nandiyan ang mga magulang mo. Sa sitwasyon mo ngayon, sila lang ang matatakbuhan mo. Kaya, lakasan mo na ang loob mo na sabihin sa kanila ang iyong sitwasyon.

Habang tumatagal, alam kong sobra kang nai-stress dahil alam mong isang araw ay mahahalata na rin ang tiyan mo. Kungganoon, dapat ay sabihin mo na ang katotohanan. Saka, huwag na huwag kang mag-iisip ng masama sa dinadala mo, ah. Huwag mong iisipin na porke wala na ang boyfriend mo, hindi mo na makakaya. Naniniwala ako na kakayanin mo rin. Tulad nga ng sinabi ko, basta nandyan ang mga magulang mo.

Sana nga lamang kapag naging okay na kayo ng mga magulang mo, maging responsable ka na. Iba na ang buhay mo. Hindi na maaari iyong pa-easy-easy ka lang. May anak ka nang pag-aalayan mo ng iyong buong buhay. Hindi kasi habambuhay ay naririyan ang parents mo para gabayan ka kaya dapat matuto ka na kung ano ba ang dapat mong gawin. Kung bibigyan ka pa ng magulang mo na magpatuloy sa pag-aaral, gawin mo. ‘Yan kasi ang mabisang sandata para magkaroon ka ng magandang buhay. Kaya, gawin mong inspirasyon ang anak mo para makamit mo ang lahat ng iyong pangarap.

Sa tamang panahon, kung itinalaga ng langit, makikilala mo rin ang lalaking makakasama mo sa habambuhay. Basta tiyakin mo lang na magagawa niya ring tanggapin ang iyong nakaraan at siyempre, kasama roon ang iyong anak. Tandaan mo sanang sa bawat desisyon na gagawin mo, dapat laging naroroon ang iyong magiging anak.

Kaya, ngayon pa lang umpisahan mo na. Magsabi ka na sa parents mo. Kung magagalit man sila, sa una lang ‘yan pero tiyak kong magagawa ka rin nilang tanggapin, pati na ang iyong magiging anak. Kasi nga, iisang pamilya kayo. At kailanman, ang isang pamilya ay hindi nag-iiwanan. Isipin mo na rin na kung hindi magiging maayos ang buhay ninyong mag-ina ay hindi magkakaroon ng katahimikan ang iyong boyfriend sa kabilang buhay, gusto mo ba iyon? Sige ka, baka bigla na lang siyang magpakita at magparamdam sa’yo. Maigi rin nga sana kung malalaman din ng pamilya ng yumao mong boyfriend ang iyong sitwasyon. Karapatan din kasi nilang malaman na mayroon anak ang yumao mong boyfriend.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here