Mukhang donya kahit yaya lang sa abroad

0
29

Jhen Dechilla

My name is Jhen Dechilla, a single mother and one-time OFW but I now choose to stay in the Philippines to be with my daughter.

“Nagpunta ako sa Europe dahil nandoon ang brother ko,” wika ni Marie nang magkaroon kami ng pagkakataon na makapagtsikahan, mga ka-tsismosa.

Friendly naman kasi ako talaga sa mga taga-Limay kaya naman halos lahat nang nagagawi sa karinderya ng kakambal kong si Ghing ay nagiging katsikahan ko. At isa na rito siyempre si Marie na alam kong kagagaling lamang sa United Kingdom. Ang unang impresyon ko sa kanya ay isang boss ng napakalaking kumpanya. Paano ba naman kasi, mistulan siyang reyna kung pumorma. Ayos na ayos. Mula ulo hanggang talampakan ay parang nababalutan ng ginto. Ang tali ng buhok niya, ang damit at sapin sa paa ay kulay gold.

Kaya nu’ng una, inakala ko na snobbish siya pero nagkamali ako. Nang ngumiti kasi siya sa akin ay nalaman kong mabuti siyang tao lalo na’t kumukuti-kutitap pa ang kanyang mga mata. Ibig kasing sabihin noon, hindi siya plastik. Kaya naman madali kaming nagkaroon ng bonding moments at dahil nga nagtatrabaho siya sa ibang bansa ay nakasilip na ako ng pagkakataon para madagdagan ko pa ang aking mga artikulo.

“Boss ka doon, Madam?”

Tinapik niya ako saka tumawa. “Huwag mo nga akong tawaging Madam, hindi bagay.”

“Boss kayo, di ba?”

Humagalpak na naman siya nang tawa at ako ay naguluhan. “Ang brother ko ang boss. Mayroon siyang Supermarket sa UK. Ako, yaya ng kanyang mga anak.”

“Yaya?” mangha kong bulalas. Hindi ko kasi akalain na sa hitsura niya ay ganoon lamang ang kanyang propesyon. Ooopps, hindi ko naman sinabi ito para insultuhin ang mga yaya o maid ha. Ang sinasabi ko lang, iba ang hitsura ng maid na nasa Pilipinas at maid na nasa ibang bansa. Kitang-kita ko kasi sa hitsura ni Miss Marie ang confident kaya mas ninais kong makilala pa siya.

Nakapapagtapos naman daw siya ng pag-aaral. Isa nga siyang Psychologist, eh, kaso kahit naman nakapagtapos siya, hindi dahilan iyon para makakuha siya ng trabaho. Nang magkaroon naman siya ng trabaho, napakaliit naman ng suweldo. Mabuti na nga lang at single siya kaya wala siyang gaanong responsibilidad. Kaya lang, gusto naman niyang mabigyan ng magandang buhay ang kanyang mga magulang. Kaya, naisip niyang pag-a-abroad ang solusyon.

Nang una ay nag-Taiwan siya pero nang matapos ang kanyang kontrata ay bumalik siya sa Pilipinas. Dahil nga raw sa madaling maubos ang salapi kapag nasa Pilipinas, ninais niyang mag-abroad muli. Napailing pa si Miss Marie nang sabihin niyang, kapag daw nag-abroad, akala ng mga kamag-anak at kakilala ay mayaman na kaya kaliwa’t kanan ang lumalapit sa kanya. Ang iba ay nangangailangan talaga at mayroon din namang nagpapaawa.

May mga pagkakataon siyempre na nagbibigay si Miss Marie pero may pagkakataon din na hindi, lalo na kung alam niya na ‘di karapat-dapat ang mga iyon na tulungan. Hanggang isang araw ay inalok siya ng kanyang nakababatang kapatid na mag-yaya na lamang sa mga anak nito. Ang napangasawa kasi ng kapatid niya ay naninirahan sa United Kingdom. Bagamat Pinay si Ashley, ang mga magulang nito ay naninirahan na roon noong bata pa lamang ito.

“Kamusta naman?”

“Mababait ang pamilya ng kapatid ko. Ang mga bata ay itinuring ko na ring mga tunay na anak. Iyon nga lang, hindi ko na naisip pang mag-asawa. Wala naman kasi akong makitang lalaki na papasa sa standard ko. Siyempre ang gusto ko, ‘yung may pera na para hindi ako mahihirapan.”

Nang tanungin ko siya kung ayaw ba niyang manatili na lang sa Pilipinas, ang sabi niya “No, no, no.”

Ang dahilan, wala raw future dito sa Pilipinas. Puro paghihirap lamang ang mararamdaman ng mga taong maninirahan dito.

Hindi ako nakasagot dahil totoo naman iyon, kaya, nga nagtrabaho rin ako sa abroad dahil wala akong magandang trabaho na makita rito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here