Mga Badjao at Aeta, nagpunta sa Siyudad para mamalimos at mapahamak

0
48

Maria Angela Gonzales

PhilippineOne Editor in Chief:Ako si Maria Angela Gonzales, isang manunulat,nagtapos ng AB Masscommunication sa Far Eastern University. Nangangarap na maging kasing tanyag ni JK Rowling pagdating ng araw.

Latest posts by Maria Angela Gonzales (see all)

OH my God, hindi ko napigilang ibulalas nang sa pagpunta ko sa SM ay makakita ako ng mga Badjao at Igorot na parang walang pakialam sa pagdaan ng mga sasakyan. Hindi nila alintana na maaari silang mahagip ng mga ito. Basta ang nais nila ay magawa nila ang kanilang misyon sa araw-araw. ‘Yon ay ang makapanlimos.  

Hindi ko man sila nakakausap, may ideya ako kung ano ang nagtulak sa kanila para makipagsapalaran dito sa Metro Manila, umaasa sila na magbabago ang kanilang buhay. Kung bakit ba naman kasi naisip ng mga taong nagmula sa kung saan-saang lalawigan na ang mga taong naninirahan sa Manila ay may magandang buhay. Para kasi sa akin at sa ibang tao, isa lamang iyong malaking kalokohan. Kahit nandito ka sa Siyudad kung wala ka namang trabaho, miserable pa rin ang buhay mo.  

Saan ka titira? Paano ka kakain? Paano ka mabubuhay? Oh, parang hindi naisip ng mga ito ang mga tanong na ito kaya kahit wala siyang matitirhan dito sa Siyudad, go pa rin sila. Ang ginagawa na lamang nila ay namamalimos sila sa kung sinu-sino. Nanghihingi ng mga pagkain. Kung minsan ay namumulot sa basura at dahil sa marami sila na kumakalam ang sikmura, nag-aagawan sila kapag nakakita ng kakarampot na pagkain.  

Dapat sana ay mayroong nag-aalala sa kanilang kapakanan pero dahil sa malayo pa naman ang eleksyon, hindi sila pinag-uukulan ng pansin. Dinadaan-daanan lang sila. Kung mayroon mang government official na mag-aalok ng tulong sa kanila, tiyak na may kasunod agad na media para siya ay kuhanan o hindi naman kaya ay may cp, tab o Ipad na nakatutok sa opisyal na ito para maipakalat agad sa media. Siyempre, kailangan nila iyon para bumango ng husto ang kanyang pangalan.  

Ngunit, paano naman maniniwala ang mga tao sa opisyal na ganito kung sa pagdaan naman natin sa kung saan-saang lugar ay makikita natin silang paggala-gala. Ibig sabihin ay hindi naman sila talaga pinakikialaman. Kaya naman kung makikita mo sila, tulad ko, siguradong madudurog ang iyong puso lalo na’t ang mga Badjao at Igorot ay makikita mo sa kalye, namamalimos. Hindi alintana ang mabibilis na takbo ng mga sasakyan. Basta ang importante sa kanila ay makahingi sila ng tulong. Ngunit, alam naman natin na ang mga barya ay hindi makakatulong ng husto sa kanila. Maaari ngang makakabili sila ng ilang pirasong pandesal ngunit kapag naubos iyon ay siguradong manghihingi na naman sila ng tulong.  

Kaya nga lang, wala naman silang pagpipilian, ibig nilang mabuhay kaya kailangan nilang gumawa ng paraan para mabuhay. Iyon nga lang, sa kagustuhan nilang mabuhay, isinusuong nila ang sarili nila sa panganib. Dahil nga mas maraming tao sa Quezon City ay doon sila madalas na makikita. Hindi lang sila basta namamalimos, kung minsan ay hinahabol pa nila ang jeep o anumang sasakyan para makuha ang barya na inaabot sa kanila.  

At kanina nga’y parang dinurog ang puso ko ng makita ko ang mag-iina na namamalimos sa gitna kalsada, nakikipaghabulan sa sasakyan kaya naman hindi rin nila napansin ang pagdating ng jeep na bumangga sa kanilang katawan. Ang mga tao ay nagtilian, may nagkagulo pero hindi sila kinuha para tulungan. Siyempre, kailangan pang tumawag ng tulong para may kumuha sa kanila roon. Sabi kailangan ay matiyak kung sila ay nabalian ba. Pero kahit na hindi ako nakalapit sa kinaroroonan nila, alam ko naman na malala ang tama nila. May mga dugo kasing sumambulat sa kalye. Hindi lang iyon dahil sa banggang inabot ng mag-iina kundi dahil sa bagsak nila sa kalsada.  

Bagamat nakalayo na ako sa lugar, hindi ko pa rin maalis sa isipan ko ang pangyayari na iyon. Maaari ngang makulong ang driver na nakasagasa sa kanila pero tiyak na ang pangyayaring iyon ay mauulit at mauulit lang dahil nga sa nagkakalat lang naman sa kalsada ang mga Badjao at Igorot.

SHARE
Previous articlePara saan nga ba ang ASEAN?
Next articleHindi type ang babaeng nagsabi ng I love you
PhilippineOne Editor in Chief: Ako si Maria Angela Gonzales, isang manunulat, nagtapos ng AB Masscommunication sa Far Eastern University. Nangangarap na maging kasing tanyag ni JK Rowling pagdating ng araw.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here