May nag-aabot ng sobre, may nagpapakita ng talent…ISTAYL NG MGA BATA SA PANLILIMOS

0
48

Pumunta ako sa mall para ipagawa ang Tablet kong nag-hang nang pagsakay ko ng jeep ay nakatabi ko ang isang batang lalaki. Tantiya ko ay naglalaro lang ang edad niya sa 4 hanggang 6 na taon, may hawak siyang sobre kaya nang makita niya ako, inabot niya agad sa akin iyon. Hindi ko sana siya aabutan ng barya dahil hindi ko naman alam kung saan niya gagamitin iyon, ipambibili ba niya ng pagkain o baka naman ibibigay sa kanyang mga magulang. Hindi na ako nag-isip ng kung anu-ano pa, inabutan ko na lang siya ng limang piso. Sana lang ay makatulong ‘yon sa kanya.  

Nang makakuha na siya ng mga barya, bumaba na siya sa jeep ngunit dahil sa trapik, nasundan ko pa siya ng tingin. Nakita ko pang sumampa na naman siya sa jeep. Sa pagkakataong iyon, pabalik sa aming pinanggalingan kaya hindi ko maiwasan ang mamangha. Para kasing kahit napakabata pa niya ay alam na alam na niya kung ano ang kanyang gagawin. Marahil, dahil araw-araw niyang ginagawa ang pamamalimos at pagsampa-sampa sa jeep, nakabisado na nu’ng bata ang kanyang ginagawa.  

Malalim na buntunghininga ang aking pinawalan. Tiyak ko na may mga tao na hahanga sa katalinuhan nu’ng bata subalit sobra akong naaawa sa kanya. Sa edad kasi niyang iyon, dapat paglalaro at pag-aaral lang ang kanyang inaatupag pero paano niya magagawa iyon kung may responsibilidad ng nakaatang sa kanya. Tiyak ko kasi na may nag-uutos sa kanyang mamalimos at duda ko, mga magulang niya iyon.  

Hindi ko man kilala ang magulang ng paslit, nakaramdam ako ng galit sa kanila. Paano ba naman kasi, hindi man lang nila inisip na wala silang magandang buhay na maibibigay sa kanilang anak o mga anak pero gawa pa rin sila nang gawa. May mga pagkakataon pa na ginagamit nila ang kanilang anak para kumita. Hindi naman kasi aakyat sa jeep ang mga batang iyon kung walang nagsasabi sa kanila na sumampa ka sa jeep at mamalimos.  

Malayu-layo pa ako sa mall ng isa batang babae naman ang umakyat sa jeep, sa palagay ko naman ay siya’y nasa sampung taong gulang. Mahaba ang kanyang buhok kaya pasuklay-suklay pa siya. Tulad kanina, may inabot din siyang sobre sa mga pasahero. At ang pang-e-engganyo naman niya para magbigay ng pera ay ang kanyang pag-awit. Ang kinanta niya ay ang Hanggang May Kailanman. Hindi man niya ka-boses sina Carol Banawa at Angeline Quinto pero masasabi kong maganda ang kanyang boses at alam kong marami ring pasahero ang nasiyahan sa talent na ipinakita niya kaya kahit na kakababa lamang ng paslit, ay naglabas din ng pera sa kanya. Dahil nga sa marami na ang nagbigay sa batang babae, hindi na niya pinansin ang aking presensiya. Hindi na rin naman kasi ako nag-abalang dumukot sa aking pitaka para siya ay abutan.  

Naisip ko rin kasi na kahit na araw-araw siyang kumanta at mamalimos, hindi makakatulong iyon para magkaroon siya ng magandang kinabukasan. Kung hindi man kasi siya magkakaroon ng magulang na talagang aagapay sa kanya, mapapariwara lamang siya at huwag sana itong pahintulutan ng mga nakakataas. Hindi nga ba ang sabi, ang mga kabataan ang pag-asa ng bayan? Kung ganoon, huwag nating hayaan na ang mga batang tulad nila ay maging palaboy na lamang sa kalye. Kailangan ay may mag-alaga sa kanila.

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here