Laws na nakaka-lost

0
38

Nagkekwento ang pari sa homily kanina tungkol sa isang guro daw niya na nagbanggit ng isang lahi na maituturing di umanong pinakaipokrito. Pinagpatuloy ni Father ang kwento at sinagot daw niya sa banyagang guro na maging ang kanilang lahi ay ipokrito din. Ang tanong, sino bang hindi ipokrito? 

Isipin ang gawi ng mga tao, kahit sinong lahi pa yan. Bara-bara kumilos. Sarili lang ang iniisip at naisasantabi ang epekto ng mga ikinikilos sa mga nasa paligid nito. Pero kapag nasagasaan ng iba, naperwisyo o nadehado, sisigaw ng “foul! 

Mayroong isang ginoo na malakas magmura sa social media. Reklamo dito, reklamo doon. Oo, sasang-ayon ako na ang social media ay nagagamit natin para ipahayag ang ating mga damdamin at saloobin. Oo, karapatan natin ang mag-post ng ating mga opinyon at hinaing. Pero kung ang mga pino-post naman ay nagdudulot ng masamang impluwensiya sa pag-iisip ng iyong kapwa at nagiging misinformation, hindi ba’t tama lang sabihin na “tama na”? Nang isumbong siya sa kanyang employer dahil sa nakakaalarmang mga pananalita niya ay nagalit siya at sinabing nawawalan na siya ng “freedom of speech”. Sino ngayon ang ipokrito ?  

Sa sobrang dami ng laws o batas na ating sinusunod, hindi naman nakakagulat na malito tayo. Siguro may pagka-inosente ang ating pagiging ipokrito . Alam nating may batas, nakasulat dun ang mga bawal gawin, dapat gawin, at pwedeng gawin. Pero sa dami nun ay hindi na natin nakakabisa lahat at syempre natatandaan at inaalam lang natin ang mga batas na may kinalaman at pabor sa atin. Kaya nga may mga abogado para tulungan tayong ianalisa ang mga batas at mailabas kung anong magiging “convenient” para sa atin.  

May batas sa gobyerno, sa simbahan, sa eskwela, sa trabaho, at sa tingin ko basta kung saan may tao ay may batas. Nandyan iyan para gabayan tayo. Kaya nga natawa ko nung naisip ko: “laws hindi lost”. Kasi pakiramdam ko sa dami ng batas na sinusundan natin ay imbis na magabayan tayo ay lalo pa tayong nalilito.  

Para hindi tayo malito, sa tingin ko ay dapat alalahanin natin para saan ba ang mga batas. Ito ay gabay para gawin natin ang tama at maparusahan ang mga mali para hindi na gawin ng sinuman. Sa makatuwid ito ang nagdidikta sa anong tama o right sa ingles.  

Nakakatuwa isipin na ang salitang right ay ginagamit para tukuyin (1) ang tama at (2) ang karapatan. At parehong nasa loob ito ng mga batas. Pero ano naman ang pinagkaiba ng tama sa mabuti. Right vs. good.  

Sabi sa diksyunaryo ay synonymous lang ang dalawang ito. Ngunit, sa pakiramdam ko ay may pagkakaiba pa rin kasi hindi lahat ng tama ay mabuti at maaari rin na hindi lahat ng mabuti ay tama. Minsan may mga bagay na yun yung tamang gawin pero hindi iyon yung mabuting gawin.  

Sa tingin ko ang tama ay may kinalaman sa sitwasyon at sa kung paano ito hinuhusgahan ng lipunan. May mga external factors na nakakaapekto para matukoy ng isang tao ang tama laban sa mali. Samantalang ang mabuti ay mula naman sa kalooban o sa sarili. Ang pag-iisip na ang bawat aksiyon ay may epekto sa mga nasa paligid mo. Pwedeng sabihin na ang tama/right ay may kinalaman sa expectation at ang mabuti/good ay sa intention naman.  

Ang halimbawang naiisip ko ay demolisyon sa squatters area. Tama ba ito? Oo, kasi nasa batas na bawal ang illegal settlers. Hindi ka pwedeng tumira sa lupa na hindi ikaw ang nagmamay-ari. Mabuti ba ito? Sa opinyon ko, kung walang plano o tulong para sa mga taong ito para magkaroon sila ng tirahan ay hindi ito mabuti. Napakahalaga ng tirahan. Isa yan sa mga pangunahing pangangailangan ng tao. Kung tatanggalan mo ng tirahan ang iyong kapwa, skwater man ito, para tayuan ng bagong mall o building ang isang lugar ay dapat tanungin ang sarili ano bang pinapahalagahan mo.  

Ang paborito kong halimbawa, War On Drugs. Tama ba ito? Oo, tama naman na dapat labanan ang droga. Kailangan talaga ng nga seryosong hakbang para masugpo ang paglaganap nito lalo pa’t marami itong nasisirang buhay. Mabuti ba ito? Hindi, dahil sa pamamaraan nang kung paano ito isinisagawa. May mga namamatay na inosente at maging ang mga adik ay winawakasan na ang buhay imbis na matulungan. Biktima din naman sila at taong may mga karapatan na nasasaad din sa batas.  

Ang pinupunto ko ay sa kabila ng maraming batas, simple naman talaga ang gusto natin makamtan mula dito. Maayos na lugar kung saan tahimik at masaganang na nakakapamuhay ang mga tao. At ang shortcut para masunod ang mga batas ay sikaping laging maging mabuti. Mas pahalagahan ang intention (mabuti) at mapupunan din ang expectations (tama). At sa paggamit ng mga karapatan, alalahanin na may kakakabit itong responsibilidad. Kapag ang karapatan mo ay sumasagasa sa karapatan ng iba, ay tinatanggal ito mula sa iyo. Isipin mo ang isang mundo na puno ng mabuting tao. Hindi ba’t ang ganda!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here