KUWENTONG BAYAN

0
107

Latest posts by @dinaprofmssyj (see all)

Sa isang malayong pulu-pulo sa bandang kanluran ng isang magiting na karagatan, may minsang namuno na ubod nang tapat at bait. Ngunit dahil na rin sa mahabang kasaysayan ng kalupitan, kagahamanan, pagkaalipin, at pag-iimbot, di tanggap nang lubos ng kanyang lahi ang isang nagniningning sa kabutihan. Di sila sanay na hindi nagnanakaw at hindi umaalma ang kanilang pinuno kahit pa araw-arawin ang pagpula sa kanya. May mga bulok na nilalang na pilit humalo sa kanyang pamamahala ngunit hanggang sa huling sandali ay ginabayan ng pagiging tuwid ang nasabing pinuno.

Dumating ang mga bagong nag-ambisyon sa kanya’y pumalit. Iba-iba sila. May nangakong ipagpapatuloy ang kanyang nasimulan, may nagsabing puso at galing ang kailangan, may galit na bumatikos nang husto at nagsabing kailangan ng mas maigting na pamamahala dahil magulo ang bayan. Maingay ang isang ito kahit saan siya pumunta. Lagi nang may mga sumusunod sa kanyang kawan na maingay at puno ng galit sa sitwasyon ng bayan na para bang walang nagawa ang papalitang pinuno.

Dumating ang araw ng pagpili, Nilunod ng kawan ang mga kalaban. Nanalo nang lubos ang maingay at galit na alternatibo. Marami sila. Tila nga nagsalita na ang mayorya. Igalang na lang ang kanilang desisyon sa ngalan ng demokrasya. Naging pinuno na ang maingay at galit at nagsimula siyang manungkulan sa tulong ng mga taong maaaring ilarawan sa pangunahin nilang papel sa pamahalaan:

1.       Mananakot- dati silang alagad ng batas ngunit ngayon ay alagad na lamang ng lider na mahilig manakot na papatayin ang tinagurian niyang mga salot ng bayan- yaong gumagamit ng kinamumuhian niyang ipinagbabawal na gamot. Ang problema sa grupong ito ay sineseryoso nila ang pagsasakatuparan ng anumang mamutawing panakot mula sa pinuno. Mahilig ang pinuno sa salitang “patayin”.

2.       TagaPuri- ito ang kawan ng mga kumikita mula sa walang kagatol-gatol na pagpuri sa kung sinuman ang nasa poder. Dati silang pumuri sa naunang pamahalaan ngunit agad silang bumaligtad at ngayon, sa pamumuno ng isang maalindog at makamandag na babae- ang bagong pinuno na ang kanilang sinasamba.

3.       TagaPula- kasabay ng pagpuri sa bawat ikilos o sabihin ng lider ang patuloy na pagbuga ng putik sa mga kumokontra sa kanya. Ang mga tagapula na ito ay hindi kailangang mag-isip. Inuulit lang nila ang anumang putik na ihahagis sa kalaban ng kanilang lider kahit pa walang basehan ang putik na iyon. Ang putik ay galing sa kanilang bibig. Ipinakakain sa kanila ito ng pinuno ng Tagapuri at kanilang ibubuga sa sinumang magsalita laban sa lider.

4.       TagaPilipit- nakapaligid sa lider ang mga ito at dalawang uri sila: tagapilipit ng katotohanan at tagapilipit ng katarungan. Ang nauna ay mahusay magsinungaling, ang ikalawa ay mahilig sa sinungaling. Kapag may sinabi ang lider na mali o di mapangangatawanan, ang tagaPilipit ng katotohanan ang bahala na ayusin ang kaniyang mga sinabi upang maging katanggap-tanggap. Kapag may maiingay na mukhang sagabal sa mga plano ng lider, ang tagapilipit ng katarungan naman ang bahalang mangalap ng kasinungalingan para wasakin ang nasabing kritiko.

5.       Nakasabit- marami sila. May artista, dating pulitiko, kaaway ng dating pamahalaan at mga sipsip sa kapangyarihan sinuman ang nakaupo. Masaya ang pangkat na ito. Sa nakaraang lider kasi ay wala silang napala. Kuripot kasi iyon at di mahilig magsama ng napakarami sa mga biyahe niya. Ang kasalukuyang lider, mahilig sa excursion. Tuwang-tuwa siyang ipasyal ang sinumang papaulanan siya ng papuri at pagsamba. Sa loob lang nga ng isang taon, naungusan na ng lider ang mga nauna sa kanya sa laki ng nagastos sa mga biyahe kasama ang mga nakasabit.

6.       Nagdiriwang- sila ang dating mga nakapuwesto na sinamampalad na nakulong o naetsapuera sa nakaraang administrasyon. Agad silang pinaburan ng kasalukuyang lider matapos nilang tulungan itong sirain ang pinalitang pinuno. Lintik lang ang walang ganti. Ito ang paboritong wikain ng mga ito. Tunay ngang nalusaw na parang bula ang mga naikaso sa kanila. Ang isa ngang kilala sa buong mundo bilang mandarambong ay naging bayani pa. Ang dating di maigalaw ang leeg dahil sa pag-iimbot, ngayo’y balik na ang impluwensiya. Nagdiriwang sila. Kasama ang higanteng bansang tumaya rin sa nanalong lider.

7.       Posteng Tulog- ito ang mga mambabatas sa pamahalaang ito. Marami sa kanila ang parang tuod lang na nakatulos sa kanilang kinauupuan. Sandigan sila ng lider. Sila ang dahilan kaya niya patuloy na nagagawa ang kanyang kabulastugan.

Isang taon at limang buwan na ang nakalilipas matapos ipagkamali ng milyun-milyong pumili sa bagong lider ang pagbabagong ipinangako nito sa pagbabagong tunay na sa sari-sarili sana nila nagmula kundi lang sila nabulag ng mga tagasigaw at tagasaboy. Ngayon ang mga mananakot ay nagmamalaki pa. Matapos ng libu-libong biktima, ang lider ay tuwang-tuwa pa rin sa kanila. Ang bayan? Natahimik. Dahil nagpasakop sa dilim.

Sana nga kuwento lang ito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here