KSP

0
48

Latest posts by @nagmamatyag (see all)

Bakit ba nagpapakitang-gilas ang isang bansa sa paghost nito ng isang international event? Bukod sa natural na pagiging hospitable, ayaw syempre ng host ang mapintasan ng mga bisita. Di na lang pintas kundi mahirap nang mapahiya lalo pa’t matataas na mga pinuno ng daigdig ang darating. Kasama nila syempre ang kanilang delegasyon bukod pa sa napakaraming miyembro ng media na sasaksi at magrereport ng mga mangyayari.

Di na tayo bago sa paghohost ng mga malalaking event. Kulang nga lang tayo sa mga pasilidad sa ibang bahagi ng bansa kung kaya’t napipilitang sa Metro Manila ganapin ang mga programa. Ang resulta? Mas matinding daloy ng trapiko at mas matinding inis mula sa mga mamamayan. Megacity ang kamaynilaan. Masikip, maraming tao.Dinagdagan mo pa ng mga bisita mula sa ibang bansa, natural lang ang mga pasakit na magaganap. Nawarningan naman tayo sa mga ito ngunit likas na talaga sa mga Pinoy ang magreklamo.

Ang siste ay may lalabag at lalabag sa mga inilagay na panuto at harang para maihiwalay ang mga bisita sa mga mamamayan. Natural ayaw nating maranasan nila ang mabigat na daloy ng trapiko bukod pa sa isinasaalang-alang natin ang kanilang seguridad sa pagbabiyahe sa ating mga lansangan. Pero may mga magsusubok talagang lumusot. Iinisin ang sarili sa napasukang traffic at pipiliting makaalpas dito kahit sa anong paraan. Sa maikling sandal ng maling gamit ng People Power, pinakialaman ang mga nakaharang at humagibis nang daan sa eksklusibong ASEAN lane. Palakpakan!!

Ang kaso, sadyang di magkakasya sa tinamasang kasiyahang nakapanguna sa paglusot sa impyernong traffic. Ipinagyabang pa sa social media ang ginawang kabulastugan. HULI! Yan tayo e. Ang mali ay mali kahit pa sabihing nakalusot at nakaginhawa ng marami. Ang mas mali ay nagyabang pa kasi nga tinakawan sa papuri. Maling gamit ng social media. Pakainin ang ego. Di na bata ang gumawa nito. Kilalang tao pa. Sana huwag palampasin ng mga awtoridad.

Swerte pa rin siya at mas may balahura pa sa kanya sa pagkaKSP. Sandali lang siyang pinagpiyestahan sa socmed dahil mas kahindik-hindik, kahiya-hiya, at kasuklam-suklam ang ginawa ng isang matalino sanang iskolar ngunit nilamon ng ambisyon at pagkadikit sa mga nasa poder ang pag-iisip at katwiran. Matinding inggit din ang bumabalot sa kanyang katawan. At gumawa na nga ng eksenang kung sa iba nangyari ay baka nagtago na sa ilalim ng lupa sa pagsisisi at kahihiyan. Awayin mo ba naman at duruin ang isang miyembro ng international press? Pilitin mo ba naman silang kilalanin ka tulad ng pagkilala nila sa isang nilalait mo at pinanggigigilang “minor blogger”?

Napailing na lang ang mga nakapanood ng video ng pagwawala ng isang ni hindi naman opisyal na miyembro ng pamahalaan o ng anumang departamento nito. Alam na ba ng presidente ang pagkakalat na ito ng isang nagmamagaling niyang supporter? Mabuti na lang at mainstream media nag kinalaban, hinarass ng KSP na ito. Mainstream media na pag nagkaisa ay idededma ka at mas lalong di ibibigay sa iyo ang platform na inaasam mo. Asan na ang pinag-aralan sa Europa?

Kaming mga bumabatikos sa mga kapalpakang naganap sa ASEAN hosting ay di basta makabatikos lang. Kami’y mga mamamayang ang gusto ay huwag mapahiya at malagay sa isang di mainam na sitwasyon ang bansa sa mata ng mga bisita. Malaki ang perang ginastos sa event na ito. Bakit may mga gawang parang minenos o di binigyan ng kaukulang pansin tulad ng mga maling ispeling at lukot na mga barong? Bakit may mga hinimatay na mga batang sumalubong at mga pulis na nagbantay? Bakit may nakapasok na mga nagmamalaking blogger na para bang opisyal na delegado silang nagtatatarang sa media?

Kahit na nga binabatikos namin ang presidente sa kanyang mga polisiya at kawalan ng simpatiya sa mga mamamayang bumoto sa kanya, di naman tamang hayaan siyang humarap sa bisita na parang hinahabol ng plantsa ang suot. Bakit din puro selfie ang inatupag ng pinuno raw ng social media arm ng Comms group niya? Bakit gumagasta tayo ng malaking pondo sa mga taong parang di alam o pinahahalagahan ang trabaho nila? Laru-laro lang ba ang pagtatrabaho sa gobyerno ngayon?

Dumarami ang KSP. Kulang sa Pansin. Samantalang ang maraming programa ay KSP rin. Kulang sa Pondo. Akala kasi ng iba KSP lang ang pamamalakad sa gobyerno. Kwela sa Pulitika. Ang masama pa ang namamayani ngayon ay KSP. Kapritso ng Pangulo. At ang nambubulag gamit ang kasinungalingan at kahambugan , KSP rin. Kulto/Kampon ng Propaganda. Habang ang bayan pabulusok sa kung saan. KSP. Kawawa,Sising-sising Pilipinas.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here