Komunikasyon o pulitika?

0
73

MADALAS sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte kapag nasa ibang bansa siya at kausap ang mga kababayan nating overseas Filipino workers (OFWs), o maging kapag may pinupuntahan siyang mga probinsya, na dalawa lang sa mga kasama niya sa biyahe ang kaagaw niya sa kasikatan—sina Presidential Communications (PCOO) Secretary Martin Andanar at Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa.

Bakit nga ba popular ang dalawa, partikular ang communications secretary?

Sa pisikal na aspeto ay angat agad ang kalihim ng komunikasyon dahil sa tangkad at karisma. Bata pa si Sec. Andanar na lumalakad pa lang ang edad sa kuwarenta anyos at guwapo. Dagdag pa rito na matagal siyang napapanood sa mga programa sa TV5 bilang mahusay na mamamahayag noong wala pa siya sa gobyerno kaya may star factor.

Sa pag-upo niya bilang PCOO secretary ay marami agad pagbabago ang nailatag niya sa PTV4, ang television network ng pamahalaan. Nakahahabol na ngayon ang naturang network sa mga mas kilalang television company dahil naging agresibo ang kanilang current affairs department at nag-hire sila ng mga kilalang anchors para may recall na rin agad sa televiewers.

Nagkaroon din ng mga programa para sa mga kapatid nating Muslim—ang Salaam TV, at maging para sa mga indigenous people o mga katutubo—ang Lumad TV.

Maging ang radio stations ng gobyerno ay pinasigla ni Sec. Andanar.

Aktibo rin ang pahayagan ng pamahalaan, ang Mula sa Masa Para sa Masa, na naglalaman ng mga accomplishments ng Duterte Administration at regular na lumalabas kada buwan.

Sa ilalim ng kasalukuyang PCOO ay nagkaroon ng access ang mga bloggers para makapanayam si Pangulong Duterte at makadalo sa mga events ng pamahalaan. Si Sec. Andanar ang unang kalihim ng komunikasyon na kumilala sa social media bilang isang platform sa pagpapalaganap ng impormasyon, at nagsulong ng inisyatiba na dapat ay may mga pamantayang sinusunod ang mga bloggers sa kanilang paraan ng pagsusulat ng balita gaya ng sa mainstream media.

Noong Pebrero 23, 2017 ay ginanap ang “#ALLMEDIAPH – Summit on PH Social Media and unveiling of the draft social media policy of the government” sa Bahay ng Alumni, University of the Philippines, Diliman, Quezon City at pinangasiwaan ng PCOO.

Sa naturang event ay tinalakay ang mga pagsubok na kinakaharap ng mga social media practitioners dahil independent ang kanilang uri ng gawain at magkakaiba ang kanilang mga pamantayan.

Nagsalita ang mga kinatawan ng mainstream media, bloggers at mga panauhin na may malalim na kaalaman sa social media.

Para kay Sec. Andanar, “The Philippines aims to have mature and responsible populace dealing with social media content.”

Kinilala rin ni Sec. Andanar ang lakas ng mga information officers sa mga lalawigan at itinatag niya ang PCO.net na binubuo ng mga tagapagbalita sa mga probinsya. Ikinatuwa ng mga lokal na mamamahayag—gobyerno man o pribado—ang kanyang proyektong ito sapagkat lalong mas napapansin na ang mga balitang nagaganap sa mga probinsya na kadalasan ay natatabunan ng mga kaganapan sa Metro Manila.

Sa survey ng www.surveymonkey.com ay mataas ang nakuha ni Sec. Andanar na puwesto kung sakaling ang mga tumugon sa survey ay pipili ng ibobotong senador. Mas mataas pa ang ranking niya kumpara sa ibang mga pulitiko na dati nang tumakbo at nagkapuwesto.

Ito ay sa kabila ng hindi pa niya paghahayag ng intensyon kung papasok ba siya sa pulitika.

Isang PCOO insider naman na hindi na nagpabanggit ng pangalan ang nagsabing mas mainam na manatili ang kalihim sa kagawaran. Mabuti aniya na ang nakaupo sa PCOO ay gaya ni Sec. Andanar na self-made, bata pa at nakakasabay sa takbo ng teknolohiya dahil bukod sa pagiging mainstream journalist ay isa itong podcaster, alam ang tungkol sa mga makabagong gadget para sa komunikasyon, social media savvy, nakapag-aral sa ibang bansa, mabilis tumugon sa mga proyektong nais maipatupad ni Pangulong Duterte, at mapapansin sa kanyang mga facebook page na sa halip na i-promote ang kanyang sarili ay ang ibang Cabinet officials ang binibigyan niya ng spotlight.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here