Kahulugan ng tidal wave at gumuguhong lupa sa panaginip

0
143
Maestro Honorio Ong

Maestro Honorio Ong

Si Maestro Honorio Ong ay tubong Bulacan. Anak ng mag-asawang Ka Talia at Kapitan Sucing. Bunso at pinakaguwapo sa sampung magkakapatid. Nagtapos ng Bachelor of Science ,Major in Clinical Psychologysa Far Eastern University, Sampaloc, Manila. Sa University ring ito nag-aral at kumuha ng Master of Arts in Clinical Psychology.
Maestro Honorio Ong

Latest posts by Maestro Honorio Ong (see all)

Dream Interpretation Isyu # 67

Tunghayan naman natin ngayon ang panaginip ni Rose tungkol sa gumuguhong lupa at tidal wave.

Dear Maestro,

Hello po magandang araw. Nais ko lang pong magtanong, kasi po dalawang beses ko na itong napapanaginipan. Ganito po iyon: 

Nasa taas daw po kami ng building ng asawa ko, tapos may gumuguhong putik papunta sa bintana ng building, pero ng mga sandaling iyon, pababa na kami ng building. Tapos ang baba ng building ay isang paraiso raw po at wala na rin ang gumuguhong putik sa bintana. 

Ang pangalawa ko naman pong panaginip ay ganito: Nagswi-swimming daw po kami tapos bigla nagka-tidal wave. Tumakbo raw po kami ng asawa ko at nagtago sa parang kubo na bahay. Tapos hinanap ko po ang mga anak ko. Dumating naman daw po siya at nagkasasama po kami ng pamilya ko. 

Ano po ang ibig sabihin ng panaginip kong ito? 

KASAGUTAN:

Minsan ang ating mga panaginip ay saktong naglalarawan ng “istorya o pangyayaring naganap, kasalukuyang nagaganap o magaganap pa lang sa ating buhay o karanasan.”

Kalimitan kapag ganitong uri ang panaginip, ito ay maihahalintulad sa isang mala short story na nababasa natin sa mga pocketbook, “may introduction, o panimulang tagpo,  may climax at may ending.”

Dahil buo ang istorya, kadalasan ang ganitong panaginip ay may “plot din o summary” kagaya ng pangyayaring naganap sa panaginip mo Rose.Tulad ng nasabi na, ang panaginip mo ay naglalarawan ng nagdaan, kasalukuyan o mangyayari pa lamang na karanasan sa buhay mo o maaaring sa mismong karanasan ng inyong pamilya.

Ganito ang interpretasyon: “ang gumuguhong lupa na tatama sa bintana ng building at ang tidal wave habang kayo ay nagsu-swimming ay may iisang kahulugan”. Ito ay tanda ng mga problemang sasapitin ng inyong pamilya o problemang sasapitin mo na ikinatatakot mo sa kasalukuyan, dahil nga mahal mo at over concern ka sa iyong pamilya. Oo, sa partikular mahal mo ang iyong pamilya at nag-aalala ka sa future nila, kaya naman sa dalawang panaginip na tinuran ay lagi mong kasama ang iyong asawa at ang iyong mga anak.

Ang tanong, ano ngayon ang nangyari sa mabibigat na problemang nagbabanta o kasalukuyang dumarating sa inyong pamilya o sa mismong buhay mo na inilalarawan nga ng “gumuguhong lupa at tidal wave”? 

Mapapansin sa iyong panaginip, ay “dali-dali kayong bumaba ng building ng iyong mister at ng nasa ibaba na kayo, ang ibaba pala ng building ay isang paraiso.”

Halos ganito rin ang tema o theme ng ikalawa mong panaginip: “habang nagswi-swimming kayo ay biglang nagka-tidal wave” pero kapansin-pansing “tumakbo kayo at nakapagtago” kaya naman hindi kayo naanod o inanod ng tidal wave.

Lumilinaw na ngayon ang saktong interpretasyon ng iyong panaginip na nais iparating sa iyo ng unconscious self mo:  “magkakaroon ng mabigat na problema ang inyong pamilya o ikaw mismo, na makakaapekto sa iyong asawa at sa iyong mga anak, pero sa bandang huli, dahil buo ang loob mo at may matatag kang personalidad o may matatag kang pagkatao, ang anumang mabibigat na problemang darating sa buhay ninyo ay agaran mong masusolusyunan.”

At ang isa pang tanong sa iyong panaginip na naiiwan ay ganito: “Matapos mong masolusyunan ang nasabing mga problema, ano naman kaya ang kasunod?”

Maliwanag ang sagot ng iyong dalawang panaginip. Una, “pagbaba nyo ng building ay may paraiso,” at ang pangalawa, “ng hinahanap mo ang mga anak mo, nagdatingan naman sila at nagkasama-sama ang buong pamilya.”

Nakatutuwang banggitin ang ganitong huling konklusyon sa iyong panaginip: “Matapos magkaroon ng mabibigat na problema ang inyong pamilya o ang sarili mo na makaka-apekto sa iyong asawa at sa iyong mga anak, magiging happy ending pa rin ang lahat.”

At kung baga sa isang nagtatanghal sa entablado ng buhay, sa muling pag-angat ng tabing makikitang:  “masayang magkakayakap at magkakasama sa tagumpay at ligaya ang buong pamilya.”

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here