Ikaw lamang ang Iibigin Review: Sumabog na ang katotohanan

0
38

Maria Angela Gonzales

PhilippineOne Editor in Chief:Ako si Maria Angela Gonzales, isang manunulat,nagtapos ng AB Masscommunication sa Far Eastern University. Nangangarap na maging kasing tanyag ni JK Rowling pagdating ng araw.

Latest posts by Maria Angela Gonzales (see all)

“Nothing here, belongs to you!” Ito ang matapang na sabi ni Roman (Michael De Mesa) kay Carlos (Jake Cuenca).

Kahit nakita ko ang sakit sa mga mata ni Carlos, gusto kong mapapalakpak dahil sa wakas ay nalaman na ni Roman ang katotohanan. At tulad nga ng inaasahan, pinalayas niya ang itinuring niyang anak. Natiyak na kasi ni Roman na matagal ng alam ni Carlos ang katotohanan at ginatungan pa siya nito para masira niya ang buhay ng kanyang tunay na anak.

Talaga namang pigil hininga ang mga eksena ngayong araw na ito. Biruin mo ba naman, sinugod ni Gabriel (Gerald Anderson)si Roman Dela Vega dahil nasaktan ni Roman si Lola Ganda (Gina Pareno). Hindi man sinasadya, naitulak ito ni Roman kaya nanggalaiti si Gabriel. Sa pagsugod ni Gabriel ay inabutan niya si Carlos at sinuntok. Doon naman dumating si Roman at tinutukan niya ng baril si Gabriel. Babarilin na sana ni Roman si Gabriel pero dumating si Lola Ganda para sabihin ang katotohanan.

Ang galing talagang artista ni Michael De Mesa. Biruin mo, sa kanyang ekspresyon ay nagawa niyang paghaluin ang galit at pagkabigla. Natutuwa rin ako sa reaksyon ni Jake Cuenca. Pulang-pula ang mukha nito. Hindi lang sa galit kundi sa takot na mabubunyag na talaga ang katotohanan. Hindi siya ang tunay na anak ni Roman Dela Vega. Nagmistulan pa nga siyang monster na bini-brainwash si Roman na huwag maniwala pero minabuti ni Roman na alamin ang katotohanan.

DNA testing ang pinakamabilis na paraan para malaman ang totoo. Dahil nga doon, hindi na nakapagkaila si Carlos. Lumabas na ang katotohanan na ibig sana niyang matakasan. Inakala niyang magagawa niya iyon kapag napabagsak niya si Gabriel. Ngunit, mabilis din kumilos ang karma kaya sa halip na matalo niya si Gabriel, siya pa ang lumublob sa putikan ng katotohanan.

Ngunit, kahit na nalaman na ni Gabriel ang katotohanan, hindi pa rin lubos ang kasiyahan na kanyang kasiyahan. Mabigat pa rin ang kanyang dibdib. Bumalik din sa kanyang isipan na siya ay nagawang pahirapan ng tunay niyang ama ngunit sa kabila noon, alam naman niyang pareho lang naman silang biktima ng mga pangyayari.

Ito na nga ba ang simula ng pagganda ng buhay ni Gabriel? Maaari ngang sa pinansiyal ay oo pero alam ko, tiyak na hindi titigil ang mag-amang Rigor at Carlos hangga’t hindi nakapaghihiganti at ang kanilang target ay si Gabriel.

Hay naku, talaga ngang sa bawat araw na dumaan ay mas nagiging kapana-panabik ang mga eksena. Para kasing sinasabi nito na marami pang matitinding eksena na darating. Sa sakit na nakita ko sa mga mata ni Carlos, alam kong lahat ng paraan para makabawi ay gagawin niya. Iyon nga lang, tiyak na masisira na niya ang kanyang buhay. Kungsabagay, sa pagkakabunyag na hindi tunay na Dela Vega si Carlos ay talaga ngang nasira na ang kanyang buhay.

Kaya ngayon pa lang ay nararamdaman ko ng mas magkakaroon pa ng pangil sina Rigor at Carlos para makaganti sa mag-amang Roman at Gabriel. Kaya kung nais mo ring masubaybayan ang papainit na papainit nilang istorya, kailangan mong tutukan Lunes hanggang Biyernes, 11:30am hanggang 12PM, ang Ikaw lang ang Iibigin.

SHARE
Previous articleHoroscope, Nobyembre 9, 2017
Next articleNakita ko na ang tamang relihiyon
PhilippineOne Editor in Chief: Ako si Maria Angela Gonzales, isang manunulat, nagtapos ng AB Masscommunication sa Far Eastern University. Nangangarap na maging kasing tanyag ni JK Rowling pagdating ng araw.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here