Hindi malalaman kung ipaglalaban o iiwan ang bf na may asawa

0
40
payo, artikulo, pag-ibig, kabiguan, pagmamahal, paghanga, martir, pag-asa,

Dear Maria,

Mahal na mahal ko ang boyfriend ko pero natuklasan ko na mayroon na pala siyang asawa. Payuhan mo po ako kung dapat ko pa siyang ipaglaban o isusuko ko na. Salamat po. — Charlene 

Charlene,

Isuko mo na siya. Kasi iyon ang tama mong gawin. Kahit sabihin mo na mahal na mahal mo siya, wala namang patutunguhan ang inyong relasyon kaya maigi pa talagang mag-goodbye na kayo sa isa’t isa.

Maaaring hindi siya pumayag pero kailangan mong panindigan ang desisyon mo. Kaya lang, desidido ka ba talagang gawin ang tama?

Alam ko, nakakaramdam ka pa ng pagkalito. Sabi mo nga, mahal na mahal mo siya kaya kinakalaban ng puso mo ang iyong isipan. Sige, tutulungan kitang magdesisyon. Sana nga lang mag-isip kang mabuti. Ang puso natin ay walang gusto kundi ang maging masaya kaya’t walang importante sa kanya ang tama at mali. Basta kinikilig siya, oks na. Ang utak naman natin ay gustong gumawa ng tama dahil alam niyang magiging miserable lang siya kapag sinunod niya ang sinasabi ng kanyang puso. Ngunit, may pagkakataon na kung mahina ang paninindigan ng isang tao lalo na kapag nagmamahal kaya isinasantabi ang tama at makabubuti at sinusunod ang gusto.

Huwag mong gawin sa iba, ang ayaw mong gawin sa’yo. O, tinagalog ko na ang Golden rule ni Confucius para mas maintindihan mo. Kung ikaw ang nasa katayuan nu’ng asawa ng boyfriend mo, anong gagawin mo? Kung martir siya, masuwerte ka dahil hindi ka niya susugurin. Mas gugustuhin pa niyang masaktan siya kaysa makipag-away. Kung siya naman ay palaban, siguradong susugurin ka niya at ipapahiya. Nais mo bang mangyari iyon? Aba’y ikaw lang din ang malalagay sa alanganin. Ang tanong, gusto mo bang mangyari iyon?

Kung sasabihin mong ayaw mo, kahit masaktan ka. Gagawin mo ang tama. Hindi lang ang makabubuti sa lahat kundi sa’yo na rin. Huwag mong sirain ang buhay mo sa lalaking hindi naman karapat-dapat. Marami ka pang makikilala riyan na higit ang katangian diyan sa boyfriend mong may asawa. Kaya, habang maaga pa, kumalas ka na.

Huwag mong isipin na porke ayaw niyang makipag-break sa’yo ngayon ay dahil mahal na mahal ka niya. Malaki ang tsansa na kaya lang ayaw niyang gawin pa iyon ay dahil sa hindi pa siya nagsasawa sa’yo. Pero, tinitiyak ko sa’yo kapag sawa na siya ay iiwanan ka rin niya na parang walang pakinabang na basahan. Siyempre, wala kang habol noon dahil nga may legal siyang asawa.

Kung marunong kang magmahal ng ibang tao, mahalin mo rin ang iyong sarili. Dahil kung hindi mo gagawin ‘yan, baka magkaroon ka lang ng napakamiserableng buhay sa hinaharap. Siguro naman hindi mo gustong mangyari iyon, hindi ba? Kaya, maging matalino ka na sa paggawa ng bawat desisyon sa’yong buhay.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here