Hindi mahiwalayan ang boyfriend dahil baka magpakamatay

0
39
payo, artikulo, pag-ibig, kabiguan, pagmamahal, paghanga, martir, pag-asa,

Dear Maria,

Gusto ko na sanang hiwalayan ang boyfriend ko pero natatakot ako sa maaari niyang gawin. May mga pagkakataon kasing sinasaktan niya ang kanyang sarili kapag nag-aaway kami. Ano po ba ang dapat kong gawin? — Shiela 

Shiela,

Naku, sa palagay ko ay mayroong psychological problem ang iyong boyfriend. At hindi nga madali ang sitwasyon mo ngayon dahil pakiramdam mo ay nasa iyong kamay ang kanyang buhay. Kung sinasaktan na niya ang kanyang sarili kapag nag-aaway kayo, maaari ngang higit pa ang maaari niyang gawin kapag hiniwalayan mo siya. Ang tanong nga lang, talaga bang okay lang sa’yo na manatili pa sa kanyang piling? 

Alam kong ‘hindi’ na ang sagot mo. Sabi mo nga, gusto mo na siyang hiwalayan. Kung ganoon, maghanap ka ng solusyon para hindi niya magawa ang kinatatakutan mo kapag naghiwalay kayo. Makipag-usap ka sa kanyang pamilya o mga kaibigan, maaaring matulungan ka nila. Siyempre, kakailanganin nilang suportahan ang boyfriend mo kapag hiniwalayan mo na. Ngunit, makabubuti rin kung mayroong psychologist na tutulong sa kanya. Sa palagay ko kasi kailangan niya iyon para naman hindi siya makaisip ng masama na gawan ng hindi tama ang kanyang sarili.  

May mga tao nga talaga na para bang hindi na nila pinahahalagahan ang kanilang buhay. Parang gusto na lang nilang idepende sa kasama nila kung ipagpapatuloy pa nila ang kanilang buhay na para sa akin nga ay isang napakalaking kalokohan. At kahit na hindi nila pinahahalagahan ang kanilang buhay, may responsibilidad ka pa rin na pangalagaan iyon dahil mayroon kang konsensiya. Alam ko kasi na maging napakahirap sa’yo kung magpapakamatay siya tapos ikaw ang dahilan.  

Pero, sana rin naman, huwag mo naman siya paasahin na mahal na mahal mo rin siya. Kung lagi ka rin namang nagsasabi sa kanya ng I love you o mahal na mahal kita, talaga ngang aasa siya na may forever kayo. Maaari namang unti-unti mong iparamdam sa kanya na mas magiging mabuti kang kaibigan sa kanya kaysa kasintahan. Kapag nakita naman niya na nahihirapan ka sa relasyon ninyo, baka kusa na siyang magsasabi na maigi ngang ihinto na ninyo ang romantikong ugnayan.  

Gayunman, hindi pa rin tayo nakasisiguro sa kung ano ang maaaring maging reaksyon niya, kaya kailangan talaga niyang magkaroon ng maggagabay din sa kanya. Hindi lamang ng isang dalubhasa kundi ang pagmamahal ng kanyang pamilya at tulong ng kanyang mga tunay na kaibigan. At sa palagay ko nga ay isa kang napakabuting kaibigan dahil iniintindi mo pa rin siya kahit alam kong nahihirapan ka na.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here