Hindi kailangan ng magic sa magis

0
36

Alam niyo ba kung ano ang “magis”? Sa aking pagkakaalala, noong nakaraang taon ko lang din narinig ang salitang ito.  

Ayon sa Wikipedia, “The roots of the phrase are ascribed to St. Ignatius’s exercise of doing more for God. He would encourage people around him during his time by asking: “What have I done for God? What am I doing for God? and What MORE can I do for Him?” Kaya kilalang-kilala ng mga Atenista ang salitang ito dahil ito ay naikakabit sa mga gawa ng kanilang patron na si St. Ignatius. 

Mayroon akong kwento kung saan tingin ko ay nangyari ang “magis” sa simpleng paraan. Hindi kailangang Atenista ka para gawin ito. Hindi Atenista lang ang gumagawa nito. Kahit sino pwede.  

Nasa departure area ako ng NAIA Terminal 4. Punong-puno ng tao dahil very long weekend. Walang pasok sa Lunes hanggang Miyerkules para bigyang daan ang ASEAN na gaganapin sa bansa. Wala nang maupuan. Nakatayo o sa sahig na lang umuupo ang mga tao. Swerte naman ako at nakahanap ako ng bakanteng upuan sa dulo ng hilera ng bench, sa may malapit sa CR. Katabi ko ay dalawang magkaibigan na nagkekwentuhan. May mga tao sa charging station. May mga nakasandal sa pader na tumatakip sa pintuan ng CR.  

Para sa mga hindi nakakaalam, may massage station na may mga bulag na masahista sa NAIA Terminal 4 na nakapwesto sa kabilang dulo ng departure area mula sa aking inuupuan na malapit sa CR.  

Maya-maya ay napansin namin na ang isang bulag na masahista ay naglalakad, kumakapa sa mga dingding. Hanggang nabangga na niya ang mga taong nakasandal sa pader na tumatakip sa pintuan ng CR. Nagulat ako na mag-isa lang siya at dala lang niya ang kanyang guide cane.  

Inobserbahan ko ang reaksyon ng mga tao. Mga tingin ng nawirduhan, naabala, normal lang, tumingin lang. Nagpasya ang bulag na sumandal na lang din muna sa pader. Naintindihan ko, hinihintay niya ang kanyang sundo. Maski ako, ang reaksyon ko ay umupo lang at inaasahan ko rin na dadating ang kanyang sundo. Ang tagal dumating.  

Ilang minuto ko ring pinag-isipan kung tutulungan ko ba siyang makabalik sa kanilang pwesto. Pag tumayo ako ay mawawala na ang upuan ko. Medyo matagal pa naman ang hihintayin ko bago mag-board ang flight ko. Baka hindi na ko makahanap ng panibagong upuan, kung saan komportable akong naghihintay.  

Nang gumalaw ang bulag para ihaba ang kanyang guide cane ay tumayo na ako. Mukha namang kabisado niya ang departure area, dahil alam niya nung nasa tapat na kami ng bilihan ng pagkain at sandali kaming huminto dito para makabili siya. Pero sigurado ako na mababangga siya ng maraming tao. Maski habang naglalakad na kami ay mayroon pa rin ilan na hindi agad tumatabi mula sa daanan.  

Ang naalala ko sa nangyaring ito ay ang salitang “magis” na literal na nangangahulugang more, to do more, or do better. Ang mahalaga daw na aspeto ng “magis” ay para kanino mo ito ginagawa. Hindi lang basta ginagawa mo ang higit sa kaya mo pero dahil ginagawa mo ito sa isang tao dahil inaalala mo sila.  

Hindi siya madaling gawin. Lalo na kung iisipin mo rin ang mga sarili mong pangangailangan at syempre ito ang una mong maiisip at prayoridad mo. Pero napatunayan ko na hindi kailangan ng milagro sa “magis”. Walang magic. Simple lang naman ang ginawa ko, tulungan at gabayan ang isang bulag para makarating siya sa pupuntahan niya.  

Naisip ko tuloy na “magis” din pala ang mga itinuturo sa GMRC o Good Moral and Right Conduct na subject noon sa elementarya at hinihikayat ang mga bata na isabuhay ang mga ito. Tulungan ang matanda na makatawid ng daan. Tulungan ang magulang sa kanilang mga gawain. Tumulong sa mga kapwa na nangangailangan ng pagkain, damit, at iba pa. Nangangahulugan ba na habang tumatanda tayo ay nababawasan ang ating“magis”? Nakakalungkot naman isipin kung ganito na nga ang nangyayari.  

Sana maibalik natin ang “magis” sa ating nga sarili. Anong pakiramdam? Hindi ito hassle, hindi ito nakakalungkot, hindi ito nakayayamot. Masaya ang pakiramdam. Magaan sa loob na may isa kang taong natulungan. Oo nawalan ako ng upuan, at tumayo na lang ako pagkatapos ko siya maihatid sa massage station. Sulit! Mas nakakalungkot isipin o nakakabagabag kung hindi ko siya natulungan at naaksidente siya o simpleng nahirapan siya sa paglalakad. Aasa na lang ba ko na mayroon namang iba diyan na tutulong sa kanya? Pupuntahan naman siguro siya ng sundo niya.  

Imagine kung mas malaki pa ang “magis” na kaya mong gawin. Mas marami ang matutulungan at malayo ang mararating ng epekto nito. Pero huwag mag-alala. Kung lahat tayo ay may “magis” sa maliliit mang paraan ay malaki na rin ang magiging impact nito sa ating bayan at sa buong mundo.#

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here