Hindi alam kung magkakatiwalaan pa ang boyfriend na sinungaling

0
26
payo, artikulo, pag-ibig, kabiguan, pagmamahal, paghanga, martir, pag-asa,

Dear Maria,

Ang daming kasinungalingan ng boyfriend ko sa akin at hindi ko na alam kung siya ba’y paniniwalaan at pagkakatiwalaan ko pa. Sabi ng mga kaibigan ko ay wala siyang kuwentang tao dahil palagi lang niyang sinasaktan ang aking kalooban. Payuhan po ninyo ako kung ano ang dapat kong gawin. — Krisna 

Krisna,

Kapatid ng sinungaling ang magnanakaw, ito ang pirmi mong isasaksak sa utak mo. Kung puro kasinungalingan ang lumalabas sa bibig ng boyfriend mo, bakit mo pa siya paniniwalaan. Baka nga ang sinasabi niyang I love you ay kasinungalingan din. Kaya, huwag mong babalewalain ang sinasabi ng mg kaibigan mo. Para sa akin ay tama sila. Huwag mong isipin na hinahadlangan lamang nila ang iyong kaligayahan. Napatunayan mo naman na nuknukan ng sinungaling ang boyfriend mo kaya kailangan mo na talagang mag-isip kung itutuloy mo pa ang pakikipagrelasyon sa kanya.  

Ano ba ang pangarap mo sa buhay? Gaano mo kagusto na matupad ang pangarap na ‘yan? Kung super gusto mong matupad ang iyong pangarap, ituon mo doon ang iyong pansin. Makakasiguro ka pang magkakaroon ka ng magandang buhay. Samantalang kung itutuon mo lamang ang iyong atensyon sa boyfriend mong sinungaling, baka maging dahilan pa ‘yan para masira ang iyong kinabukasan. Huwag mo naman gustuhing mangyari iyon.  

Hindi ko kilala ang boyfriend mo para masabi ko sa’yong kapag hindi mo pa siya iniwan ay magkakaroon ka lang ng miserableng buhay pag-ibig. Nagawa kong sabihin ito dahil iyon ang kanyang ginagawa sa’yo. Sa mga pagsisinungaling niya, nagagawa ka niyang saktan kaya, bakit mo pa siya pagtitiisan? Dahil sa mahal mo siya? Kalokohan naman ‘yon. Kung magmamahal ka, mas mahalin mo ang iyong sarili. Kung alam mo naman na hindi ka niya kayang mahalin ng totoo, huwag mo na sabihin pa sa puso mong masarap siyang mahalin. Dahil alam mong kasinungalingan lang ‘yan.  

Sa tamang panahon ay makakakilala ka rin ng lalaking tunay na magmamahal sa’yo. Huwag kang mapako sa kasalukuyan. Ang intindihin mo ngayon ay ang iyong kinabukasan. Makabubuting ibibigay mo muna ang iyong atensyon at pagmamahal sa mga taong totoong minamahal ka tulad ng iyong pamilya at mga kaibigan. Huwag ka na magtiyaga pa sa lalaking hindi kayang maging tapat sa’yo. Isipin mo na lang, kung ngayon pa lang ay marami na siyang sinasabing kasinungalingan sa’yo, paano pa bukas, makalawa at sa susunod na linggo, buwan at taon.  

Kaya, sana ay mag-isip ka ng mabuti, okay?  

Sa kabilang banda, makabubuti rin kung kakausapin mo ang iyong boyfriend. Tanungin mo siya kung bakit sobra siyang sinungaling. Baka mayroon siyang pinagdaraanan. May mga tao kasing kaya nagsisinungaling ay para tanggapin siya ng mga tao. Hindi kaya ganoon ang problema ng boyfriend mo? Bilang girlfriend, kailangan mo rin siyang gabayan ngunit kung talagang wala siyang pakialam sa damdamin mo, maigi pa talagang magsabi ka na sa kanya ng, ‘goodbye’.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here