Gustong bawiin ang ‘yes’ sa fiance

0
28
payo, artikulo, pag-ibig, kabiguan, pagmamahal, paghanga, martir, pag-asa,

Dear Maria,

Nabigla lang ako ng sabihin ko sa boyfriend ko na, ‘yes, I will marry you’. Mahal ko naman siya kaya lang parang hindi sapat ang pagmamahal ko sa kanya para magpakasal na. Sana naman ay matulungan mo ako kung ano ang dapat kong gawin. — Neng 

Neng,

Habang maaga pa, sabihin mo na boyfriend mo o mas tamang sabihing fiance ang iyong nararamdaman. Hindi ka man kasi handa, nakapag-yes ka na. Gayunpaman, may pagkakataon ka pa naman para itama ang inyong sitwasyon. Mag-usap kayo ng lalaking nakatakda mo sanang pakasalan. Gayunpaman, kailangan mo rin maging handa sa maaaring kahinatnan ng inyong relasyon. Maaari kasing magwakas na rin ‘yan.

Hindi ko naman sinasabi ito para takutin ka lang. Maaari talagang ganito ang mangyari. Paano ba naman kasi hindi magwawakas ang inyong relasyon, eh, sasabihin mo sa kanya na hindi ka nakakasiguro na gusto mo siyang makasama sa habambuhay. Masasaktan siya, tiyak iyon pero kailangan niyang tanggapin dahil iyon ang desisyon mo. Hindi rin naman kayo magkakaroon ng masayang buhay, kung isa lang ang nakasisiguro sa sitwasyon na kanyang pinasok.

Bago ka kasi magmahal ng ibang tao, kailangan mong mahalin muna ang iyong sarili. Hindi mo rin naman masasabing mahal mo ang iyong sarili kung wala ka pang napapatunayan sa’yong buhay. Sawa ka na ba sa magbuhay dalaga? Nagawa mo na bang tuparin ang iyong mga pangarap? Kung ‘hindi pa’ ang sagot mo sa mga ito, dapat nga talagang mag-alangan ka na magpakasal dahil tiyak na magsisisi ka lang at magiging simula pa iyon ng away ninyo.

Sabi nga, may kanya-kanyang panahon ang bawat pangyayari at kung talagang hindi mo pa nga feel na magpakasal sa boyfriend mo, okay lang. Kung sasabihin niyang maghiwalay kayo, panindigan mo ang iyong pinaniniwalaan. Kung talagang mahal ka kasi niya, dapat ay maunawaan ka niya. Kung hindi, ibig lang sabihin noon kulang ang pagmamahal niya sa’yo. Ang pagdedesisyon kasi ng magkarelasyon ay dapat na sinasang-ayunan ng bawat isa. Hindi kasi ‘yan magtatagumpay kung mayroong nag-aalinlangan.

Kaya, magkaroon ka na ng lakas ng loob na sabihin sa mahal mo ang iyong nararamdaman. Ipaliwanag mo ng husto ang side mo. Sabihin mo sa kanya na mahal na mahal mo naman siya pero talaga kamong hindi ka pa lang handa. Baka nga mas ma-appreciate pa niya ang pagiging tapat mo kaysa naman piliin mo na lang na magpatianod sa nangyayari.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here