Cariño Brutal: Ang Kalbaryo ng mga Inaabusong Kababaihan

0
32

Kristine Joyce M Belonio

Kristine Belonio is a registered medical laboratory scientist and DOH-trained screening drug test analyst who hopes for a drug-free Philippines. And though she loves to do all the “bloody” work and analyze other bodily fluids, she’s also an aspiring journalist with a thorough know-how on the rudiments of news, feature and editorial writing.

Ang “Violence Against Women” o VAW ay maituturing isa sa mga pangunahing isyu na hinaharap sa buong mundo. Sa katunayan, ang sadyang pagpapakita ng pananakit o pang-aabusong pisikal, sekswal o sikolohikal sa mga kababaihan ay karaniwang nangyayari saang sulok man ng mundo. Ito ay isang pandaigdigang suliranin at hindi ito limitado sa isang partikular na pangkat ng mga kababaihan sa lipunan.

Ngunit, bakit nga ba ito nangyayari? Sa isang lipunan na dominado ng mga kalalakihan, ang pribelihiyo ng mga lalaki ay nagiging pamantayan at nag-aambag sa paniniwala at asal ng mga tao na may karapatan silang kontrolin ang mga kababaihan. Pero paano nga ba ito nagsimula? Batay sa mga pananaliksik ng mga eksperto, nagsimula ang pananaw na ito sa hindi pantay na kapangyarihan sa mga relasyon sa pagitan ng mga kalalakihan at kababaihan sa lipunan.

Sa mas pinalawak na konteksto, ang mga istrakturang relasyon ng mga hindi pagkakapantay-pantay sa pulitika, relihiyon, media at diskriminasyon ay nagpapatuloy ng karahasan sa mga batang babae at kababaihan. Dahil sa mga ideolohiyang ito, ang lipunan ay nagkaroon ng maling pananaw sa kasarian at sekswalidad ng mga tao.

Karamihan sa mga kalalakihan ay tinuturing bilang mga lider o pinuno at ang pangunahing tagapagtaguyod, habang ang mga kababaihan ay itinuturing bilang tagapag-alaga at tagasuporta. Ayon sa Philippine Commission on Women (PCW), ang pananaw na ito ay humahantong sa pagkakaroon ng mga kalalakihan ng higit na kapangyarihan sa mga kababaihan. Dagdag pa nila, ang VAW ay naging isang uri ng pagpapahayag ng mga lalaki sa pagkontrol ng mga babae upang mapanatili ang kapangyarihan.

‘Violence Against Women’ sa Pilipinas

Ang VAW ay hindi na bago sa Pilipinas at sa mga Pilipino. Sa katunayan, masyadong pamilyar sa atin ang mga salitang, “Violence Against Women.” Ito ay totoo at nangyayari sa ilan nating kababayan at ang iba nga’y humahantong pa sa kamatayan. Dahil dito, kailangan natin na maging handa upang makilala o matukoy na ang bawat istatistika ay kumakatawan sa isang babae, bata o pamilya — isang buhay — na nasira o nawasak dahil sa karahasan at pang-aabuso.

Kahit na kinilala ng pamahalaan ang VAW bilang isang malaganap na problema sa lipunan at nagtakda ng mga programa at kinakailangang patakaran ukol dito, maraming kababaihan at kabataan pa rin na patuloy na nakakaranas ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso araw-araw, batay sa ulat ng Rappler. Ayon sa Gabriella Women’s Party, isang grupo sa Kongreso na naglalayong itaguyod ang karapatan at interes ng mga marhinalisang at naghihirap na mga kababaihan, isang Pilipina ang nagiging biktima ng “domestic abuse” o pang-aabuso kada dalawang oras.

Batay sa 2013 National Demographic and Health Survey, isa sa bawat limang Pilipina ay nakakaranas ng pisikal na pang-aabuso sa edad na 15 at anim na porsiyento ay nakaranas ng sekswal na pang-aabuso. Sa kasamaang-palad, 30 porsiyento lamang sa mga kababaihang nabibiktima ang humihingi ng tulong o nagrereport sa mga kinauukulan makatapos makaranas ng pisikal at sekswal na pang-aabuso.

Pagdating sa mga kaso ng child abuse sa mga batang babae na may edad 18 pababa, halos 3,168 na mga batang babae ang nakaranas ng pang-aabuso at 131 sa kanila ay mga sanggol na may edad 12-buwan pababa. Habang ang 1,149 sa mga kabataang ito ay mga pinabayaan o inabanduna ng kani-kanilang pamilya at 1,157 ay nakaranas ng sekswal na pangaabuso — 448 sa mga kaso ay incest. Ngunit marami sa mga kaso ay hindi naitatala o naiuulat.

Katulad na lamang sa dalawang kababaihan na aking nakilala na nakaranas ng pang-aabuso sa kamay ng kanilang sariling mga asawa. Sina Rita at Andrea (hindi nila tunay na pangalan) ay pawang nasa isang cariño brutal (“Brutal Love” sa Ingles) na relasyon kung saan nabubulag sila sa pagmamahal kahit ang kapalit ay pang-aabuso.

Ang Kuwento ni Andrea

Si Andrea ay maituturing masuwerte sa buhay. Ipinanganak siya sa isang maykayang pamilya at bunso sa apat na magkakapatid. Nakapagtapos siya ng kursong Accountancy sa isang sikat na unibersidad sa aming lungsod. Pinagpala rin siya sa kanyang mga naging karelasyon,

Ngunit lingid sa kaaalaman ni Andrea, ang negosyo ng kanilang pamilya ay nabaon sa malaking pagkakautang noong 2010. Dahil dito, napagpasyahan ng kanyang mga magulang na ipagkasundo ang kanilang nag-iisang anak na babae sa nag-iisang anak na lalaki ng kasosyo nila sa negosyo. Ibig sabihin, kasal ang nakitang solusyon o kabayaran ng kanyang ama para maisalba ang kanilang negosyo.

Subalit noong mga panahong iyon, masaya si Andrea sa piling ng kanyang kasintahan at sa katunayan, nagbabalak na rin silang magpakasal. Pero tila’y hindi kaya ni Andrea na ipagpalit ang kanyang pamilya sa isang lalaki kaya nagdesisyon siya na hiwalayan ang kanyang nobyo at magpakasal sa iba.

Dito pumasok sa buhay niya si Mark, isang kaibigan at dating manliligaw. Ito marahil ang dahilan kung bakit hindi niya kailanma’y inisip ni Andrea na ang kasalan nila ay siyang maging simula ng isang matinding kalbaryo sa kanyang buhay.

May sariling negosyo at may mataas na posisyon si Mark sa isang malaking kumpanya. Sa unang tingin, tila’y isang hulog ng langit si Mark kay Andrea — gwapo, matipono, mabait, responsible at mayaman — ang mga katangiang ipinapakita niya sa lahat. Ngunit sa loob ng kanilang bahay, lagi niyang pinagbubuhatan ng kamay si Andrea kahit noong mga panahong buntis ito sa kanilang mga anak. Madaling uminit ang ulo ni Mark at lahat ng galit na meron siya ay binubunton niya sa kanyang kaawa-awang asawa.

Batay sa paglalahad ni Andrea, may suntok, sabunoy, sipa at kalmot siyang natitikman sa kanyang asawa kapag nagagalit ito. Ang pinakamalala raw ay nung buntis siya sa kanilang bunsong anak na babae kung kalian kinaladkan siya ni Mark papasok sa kanilang kwarto, pinagmumura at pinagsusuntok sa ulo dahil hindi niya nagustuhan ang inihandang pagkain ni Andrea.

Nakapagtataka kung bakit hindi nagsusumbong si Andrea sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang mga magulang. Sabi niya, pinagbantaan raw ni Mark ang buhay niya at ng kanilang mga anak. Nagbabala rin ito na hindi niya makikita at makukuha ang kanilang mga anak sa oras na magsumbong siya sa awtoridad. Kung minsan, kahit ang mga bata ay hindi rin nakakaligtas sa pisikal na pananakit ng kanyang asawa.

Dahil sa mga banta, hindi nagkaroon si Andrea ng lakas ng loob upang isumbong ang kanyang asawa at hindi niya ring magawang iwan ito. Ipaliwanag rin niya na kaya niyang tiisin ang lahat ng sakit at pang-aabuso para sa kanyang mga anak dahil sa pagmamahal nila sa kanilang ama. Dito ko lubusang napagtanto na kaya pala wala silang katulong o mga yaya at hindi siya pinapayagang lumabas o bumalik sa trabaho ay dahil sa mapang-abusong relasyon niya sa kanyang asawa.

Ang Kuwento ni Rita  

Samantala, ang kuwentong buhay ni Rita ay ibang-iba sa kuwento ni Andrea. Ang buhay ni Rita ay masasabing katulad ng napakaraming Pilipino na lugmok sa kahirapan. Tulad ni Andrea, siya ay may tatlong anak ngunit ang kanyang asawa ay walang trabaho. Tinataguyod ni Rita nang mag-isa ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagtitinda o paglalako ng sari’t saring paninda at tumatanggap din siya ng labada sa kanilang mga kapitbahay.

Habang ang asawa niyang si Caloy ay walang trabaho, lasenggero, nagsusugal at nambababae lamang. Todo kayod si Rita para buhayin ang kanilang pamilya at mapag-aral ang kanilang mga anak habang si Caloy ay nakahilata lamang sa kanilang munting tahanan buong araw.

Kahit na maituturing na palamunin lamang si Caloy, nagagawa niya pang saktan ang kanyang asawa at mga anak. Kapag nalalasing ito, sobrang takot ang nadarama ng mag-iina sa maaari nilang sapitin sa kamay ng kanilang padre de pamilya. Ayon kay Rita, nagiging “punching bag” sila nito.

Inaamin niya na may trauma na ang kanilang mga anak dahil sa karanasang ito ngunit napakasit ng katotohanan na hindi niya kaya o magawang iwan ang kanyang asawa dahil mahal na mahal niya ito. At ang dahilang ito ay hindi naintindihan ng kanyang mga anak na gustong-gusto na layasan ang malaimpyernong nilang pamumuhay.

Samantala, sinabi ng mga eksperto na lubos na naaapektuhan ang mga kabataan lalo na kung nagiging saksi or nakaranas sila ng anumang uri ng pang-aabuso sa loob mismo ng kanilang sariling tahanan. Maaari itong makaapekto sa kanilang mental, emosyonal at sikolohikal na kalusugan.

Kaya naman hinihimok ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) ang mga Pilipina na magsumbong at hindi lamang manahimik laban sa karahasan at pang-aabuso na nararanasan nila. Ayon kay Kalihim Ismael Sueno, ang mga biktima ay hindi dapat matakot na magsumbong at humingi ng tulong sa pamamagitan ng VAW desk sa kani-kanilang mga lugar, batay sa ulat ng PHILSTAR. Sa ilalim ng R.A. 9262 o ang “Anti-Violence Against Women and Children Act,” ang pang-aabuso ay isang krimen at ang taong gumagawa nito ay maaaring parusahan.

Ang mga kuwento nila Rita at Andrea ay maihahalintulad natin sa isang cariño brutal na relasyon dahil tinitiis nila ang pananakit at pananakot sa ngalan ng pag-ibig o pagmamahal. Ngunit sapat nga ba ang pagmamahal para tiisin ang malaimpyernong kalbaryo ng pang-aabuso? Tunay nga bang mahina at marupok ang mga kababaihan at walang kapangyarihan para labanan ang mga karahasang ito?

Sa mga biktima ng VAW o anumang uri ng karahasan at pang-aabuso, panahon na para huwag matakot at itigil na ang pananahimik — huwag nating hayaan na maging biktima at malinlang ng matatamis na salitang pagmamahal o pag-ibig. Panahon na upang lumaban at tukuyin ang iyong sarili hindi batay sa kahulugan ng buhay mo na sinasabi o dinidekta ng lipunan at ng ibang tao.

SOURCES:

https://www.rappler.com/move-ph/issues/gender-issues/85640-women-girls-violence-ph

http://www.gmanetwork.com/news/news/specialreports/106465/victims-of-domestic-violence-attacked-by-husbands-trapped-by-society/story/

http://www.philstar.com/headlines/2017/03/06/1678357/pinays-urged-report-violence-against-women

http://akoaypilipino.eu/sagot-ng-eksperto/sagot-ng-eksperto/sagot-ng-eksperto/ano-ang-r-a-9262-o-anti-violence-against-women-and-children-act.html

http://www.bwss.org/resources/information-on-abuse/numbers-are-people-too/

http://hrlibrary.umn.edu/svaw/domestic/link/healtheffects.htm

SHARE
Previous articleANG MGA PROVEN HEALTH BENEFITS NG AVOCADO
Next articleHoroscope, Nobyembre 4, 2017
Kristine Belonio is a registered medical laboratory scientist and DOH-trained screening drug test analyst who hopes for a drug-free Philippines. And though she loves to do all the “bloody” work and analyze other bodily fluids, she’s also an aspiring journalist with a thorough know-how on the rudiments of news, feature and editorial writing.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here