Biased Ba Ako?

0
87

Latest posts by @nagmamatyag (see all)

“We all have our biases.”  Di ko makakalimutan ang sagot sa akin ng dati kong department Chair nang sinabihan ko siya (sa email exchange namin) na parang biased siya sa desisyon niyang di i-offer ang isang klase sa grad school gayong alam niyang iyon na lang ang kulang namin. Sa nakaraang semester kasi ay nag-open siya ng nasabing subject para sa “paborito” niyang teacher na kabatch namin. Nagulat ako sa pag-amin niyang iyon at lalo siyang bumaba sa aking paningin. Sa bandang huli, siya rin at ang kanyang biases ang nagsilbing dahilan para maalis ako sa nasabing unibersidad. Di na ito ampalaya rant, nabanggit ko lang dahil sa isang convo sa Twitter kamakailan ay may mga nagsasabing napagdesisyunan nilang di na sila basta babatikos sa kasalukuyang rehimen. Papalakpakan nila ang positibong nagawa nito at babatikusin ang mali. Nagbiro na lang akong “Good luck sa positibong nagawa, kasi wala pa akong nakikita.”

Ewan ko pero mahirap yatang maging neutral sa pulitika dito sa Pilipinas. Simula’t sapul nang nagkaisip ako (opo, matagal na iyon) ay malinaw naman kung saang panig ako lalagay dahil kitang-kita ang itim at puti, ang di mainam at mainam sa mga naging lider natin, nasyunal man o lokal. Ang mga pulitiko lang naman ang di sigurado sa kakampihan nilang ideolohiya o prinsipyo. Lagi ay doon sila sa nanalo at nasa poder. Katulad ng naganap na lipatan mula sa LP patungong PDP-Laban pagkatapos manalo ni Duterte. Buti pa sa Amerika, malinaw ang kaibahan ng Democrat at Republican. At bihira kang makababalitang may lumipat sa mga partidong ito.

Sa mga isyu naman, bilang netizen o mamamayan mang wala sa social media, kita rin naman ang pagkiling ng isa’t-isa sa pinili nilang side ng bawat isyu. Kita rin ang pagsuporta o pagtaliwas sa pamahalaang nakaluklok. Kaya nagugulat ako kapag may nagsasabing, neutral sila o objective sa mga isyu. Babatikusin ka kung extreme. Parang doon na lang ako sa extreme basta napangangatwiranan. Hindi yung mag-aad hominem pag wala nang maisagot o kaya ay babasahin ang script ng isasagot ayon sa mga lider.

Hahayaan ko na ang mga gustong pumagitna. May mga dahilan siguro sila na irerespeto ko na lang. Pero ako, di yata ako makakagitna lalo pa’t nakalipas na ang mahigit isang taon at kitang-kita na ang rehimeng ito ay isang pagkakamali. Di na ako naghihintay na makaisip itong gumawa nang dapat ayon sa iniatang sa kanilang responsibilidad ng tao at konstitusyon. Ang rehimeng ito ay nakasentro lamang sa kapritso ng iisang tao. At ang kapritsoso niyang pamamahala ay nagbebenepisyo lamang sa iilan-yaong may pera at kapangyarihan at tumulong sa kanyang manalo.

Paano ako gigitna sa isyu ng walang habas na patayan, siraan, kasinungalingan, pamimigay ng teritoryo at pagwasak sa mga naipundar sanang kakanyahan at kakayahan ng naunang mga gobyerno? Paano ako gigitna sa kabastusan, kawalang-galang at kapabayaan sa pagsasalita? Di ko kakayanin ang maghanap ng mabuti sa mga tao  sa pamahalaang nasyunal. Kitang-kita naman sa mga pinipiling lumahok at maglingkod dito ang kawalang-pagpapahalaga sa talento, talino, sinseridad, kakayahan at dedikasyon. Parang naglalaro lang ang mga nakapuesto. Ang pinuno ay walang pakialam sa masasagasaan kapag bumuka ang bibig, ang mga tauhan naman niya’y di nangingiming magkamali at magpalusot sa pagkakamali.

Nauna rito, may isang kilalang broadcast journalist ang nagpaliwanag na siya ay neutral. Bumabatikos siya kung kailangan at pumupuri kung may dapat papurihan. Di ko na sinagot. Noon pa ma’y “playing safe” na ito tulad din ng marami sa media. Mahirap kumalaban sa isang pinunong may record ng kalupitan sa kanyang mga kritiko. Di naman kailangang maging neutal ang isang journo, ang kailangan ay maging “truthful” sabi nga ng isang sikat na journo sa ibang bansa. Truthful o Panig sa katotohanan. Sa dinami-rami ng “resibo” o pruweba ng mga di kanais-nais na ginagawa ngayon ng ating mga lider, di ba mas madaling maging “truthful”?

Alam ko, praktikal na lang sa panahon ngayon ang gumitna o bawasan ang pagbatikos at maghanap naman ng maganda sa binabatikos. Pero paano naman makararating nang maliwanag sa gobyerno ang ating mga batikos kung pipilitin nating balansehin ito ng papuri kahit nga mahirap makakita ng pupurihin? Sobrang dami na ang mga propagandang pumilipit sa katotohana at bumulag sa marami kaya nanalo ang rehimeng ito. Mukha namang di nito itinatago ang marami sa mga ibinabatikos dito. Sige pa rin ang paglabag sa karapatang pantao, ang pambabastos sa mga mahihina at sa mga babae. Sige pa rin ang kahambugan at kapreskuhan.  At di lang ang pinuno ang guilty nito. Ginagaya siya ng mga nakapaligid at nakasandig sa kanya.

Paano ako gigitna? Siguro nga  biased na ako. Biased na naghihintay na magbago ang dapat magbago, tao man ito o gobyerno.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here