Bebot na kinikilig sa may sabit

0
33
payo, artikulo, pag-ibig, kabiguan, pagmamahal, paghanga, martir, pag-asa,

Dear Maria,

May lalaking panay ang text sa akin, sabi niya gustung-gusto niya ako at kinikilig ako. Ang problema, pamilyado na siya. Ano ang aking gagawin? — Izza

Izza,

Huwag mong paniwalaan ang ganyang klaseng lalaki dahil walang ibang layunin ‘yan kundi ikaw ay lokohin. Huwag ka ngang magpaloko sa ganyang klaseng lalaki dahil ikaw lang ang magiging kawawa. Kaya, habang maaga pa ay iwasan mo na siya. Hindi kasi magandang tingnan na ang katulad mong dalaga ay kinikilig sa isang pamilyado na. Ang dapat mong gawin, pagbutihin ang iyong pag-aaral. Para magkaroon ka ng magandang buhay. Kung matataas ang grado mo at nakapagtapos ka na mayroong karangalan, magiging madali sa’yong magkaroon ng trabaho.

Kahit hindi mo nagawang sabihin ang iyong edad, alam kong isa ka pa lamang teenager kaya natitiyak kong nawawala ang konsentrasyon mo sa’yong pag-aaral dahil lang sa pagpapansin sa’yo ng lalaking ‘yan. Mali ang ginagawa ng lalaking ‘yan. Ang dapat ay malaman ng magulang mo ang panggugulo sa’yo ng lalaking ‘yan. Hindi ko man siya kilala, natitiyak ko na siya ang uri ng lalaki na hindi titigil hangga’t hindi nakukuha ang gusto pero maaaring maawat kung malalaman ng magulang mo ang maling gawain niya.

Alam kong bata ka pa lang kaya wala kang ideya kung paano gumalaw ang lalaking tulad niyan. Kaya, kailangan mo siyang iwasan. Magpalit ka ng cp number. Kung kilala ka niya, umiwas ka na sa kanya habang maaga pa. Marami pang lalaki, ‘yan ang ilagay mo sa utak mo. Hindi ka dapat nag-i-entertain ng mayroon ng asawa dahil kapahamakan lang ang maghihintay sa’yo. Kawawa ka lang. Huwag mong sirain ang magandang buhay na naghihintay sa’yo.

Hindi mo kasi matatakasan ang problema kung hindi ‘yan matitigil. Ang makakagawa lang niyan ang mga magulang mo. Sila lang ang makakaprotekta sa’yo. Pwede ba, ay huwag ka na mag-reply sa text niya. Kung maaari ay I-blocked mo siya. Magaling lang siyang mambola kaya nasisiyahan ka sa kanya pero hindi ibig sabihin noon magagawa niyang panindigan ang mga sinasabi niya sa’yo.

Siguro naman sa edad mong ‘yan ay alam mo na ang tama at mali. Kungganoon, may ideya ka na hindi tama na makipaglapit ka sa mayroon ng asawa lalo na’t binobola ka niya. Sa tingin ko nga ay gusto ka niyang gawing girlfriend. Ay naku, ang dami pang lalaki riyan. Kung gusto mong magka-boyfriend ay doon sa binata para walang babae na sasabunot sa’yo at eeskandaluhin ka at ang iyong pamilya. Siyempre, ang tinutukoy ko ay ang kanyang misis. Pwede ka ring puntahan ng kanyang anak o kapamilya ng mag-asawa.

Kung sakali namang sasabihin mo na nasa tamang edad ka na, hindi ka pa rin dapat nakikipaglapit sa tulad ng lalaking ‘yan. Ang tipo niya kasi ay hindi naman pagkakatiwalaan. Bagkus, ipapahamak ka pa niya. Mag-concentrate ka muna sa pag-abot mo sa’yong pangarap. Darating ang tamang panahon at matatagpuan mo rin ang tamang lalaki para sa’yo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here