Bakit hindi na nagbabasa si Marian?

0
58

Bakit hindi na nagbabasa si Marian? Dati ang katulad niya na si Maria ay sabik na sabik pumasok sa eskwela para mag-aral magbasa at matuto.  

Si Marian ang Maria ng kasalukuyan. Parehong mga pangalang representasyon ng Pilipinas, katulad ni Juan dela Cruz.  

Iba na ang buhay ni Marian kumpara kina Maria at Juan. Paggising pa lang sa umaga ay smartphone ang kanyang unang kukunin at titingnan. Magche-check ng Facebook, Instagram, Twitter, Viber, at iba pang nagdadamihang mobile apps.  

Babangon siya para maligo. Minsan kakain ng mabilis na agahan, minsan naman ay wala na. Magbibihis at mag-aayos. At magmamadali na papuntang sakayan. Tricycle, jeep, bus, LRT, MRT, taxi, Uber, o Grab. Habang nasa biyahe ay smartphone nanaman ang kaharap niya. Like dito, heart doon, comment dito, share doon. Mabilis na swipe pataas at papindot-pindot lang ng reactions. Sabay lilipat din sa ibang app dahil ka-text pa niya ang mga kaibigan, kapamilya, katrabaho, o boyfriend. Basta yung kayang gawin ng libreng Internet or promo sa data service na kanyang ginagamit. Kung kailangan magbukas ng link na nasa labas ng Facebook ay next time na lang matignan o di kaya’y sisilipin ang comments.  

Comments, napaka matinik na pagkukunan ng impormasyon. Ito’y pwedeng katotohanang hinaluan ng opinyon. Minsan naman opinyong hinaluan ng katiting na katotohanan. Ang hirap na malaman. At sa tulad ni Marian na hanggang comments lang ang kayang tingnan ay limitado ang impormasyong nakakarating. Minsan maski si Marian ay napapa-comment ng walang basehan. 

Kapag napagod si Marian sa sobrang daming nagagawa niya sa kanyang smartphone ay naglalaro naman siya ng games o magbabasa ng kwento sa Wattpad.  

Pagdating sa opisina ay magbubukas na siya ng laptop at magtatrabaho. Pasilip-silip pa rin sa social media sa loob ng paunti-unting minuto. Parang patikim-tikim sa isang nakakaadik na pagkain. Minsan makakapagsingit ng pagbu-book ng flight at hotel para sa susunod niyang biyahe o kaya’y pinaplano ang gimik kasama ang mga kaibigan. Magbabasa ng balita kung parte ito ng trabaho. Ngunit kung hindi kelangan gawin ay hindi na niya masisilip kung anong latest sa kanyang paligid at bansa. Mahigit walong oras sa opisina at limang araw na ganito.  

Pagkatapos ng oras ng trabaho, maaaring umalis muna si Marian para kitain ang mga kaibigan o kaya’y derecho nang uuwi. Smartphone pa rin ang kasa-kasama, kachikahan sa biyahe.  

Pagdating sa bahay, kakain ng hapunan. Manonood sa cable ng balita, series, o pelikula. O di kaya’y sa tablet para mag-binge watch sa Netflix. 

Maghahanda para matulog at sa paghiga ang nasa kamay ay smartphone pa rin. Kung anong ginawa pagkagising ay siya ring ginagawa bago matulog.  

Oras ba ang dahilan kaya hindi na nagbabasa si Marian? Pwede. Ngunit, ang mas malaking dahilan sa aking palagay ay distraction. Masyadong maraming ibinabatong bagay na pagkakaabalahan ni Marian. Para siyang nasa Toy Kingdom at marami siyang nakikitang laruan. Dahil sa gusto niyang subukan at laruin lahat, ay isa-isa niya itong hahawakan pero mabilis lang at lilipat na kaagad siya sa susunod.  

Kahit gusto ni Marian na magbasa ng mga artikulo o balita ay kailangan niya itong gawin ng mabilis. Ngunit nagiging mapili na rin siya. Madaming content ang ibinibigay sa kanya na gustong makakuha ng kanyang atensiyon. Nandyan ang mga komersyal para bumili siya ng mga produkto, at syempre maski balita ay negosyo rin. Hindi lang paghahatid ng impormasyon ang pokus nila kundi maglabas ng balita na pag-uusapan ng mga tao. Kaya ang ibang impormasyon ay dadaanan na lang ni Marian kapag hindi makuha ang kanyang interes. Ang iba ay kanyang iki-click at babasahin ang mga unang talata. Minsan naman ay iba-browse ang buong artikulo ng mabilis na parang speed reading na hilaw.  

Kailangan ni Marian ay parang fast food version ng pagkukunan ng impormasyon dahil ang pagbabasa ay parang nagiging pagkain na sa fine dining restaurant. Ang value meal ng impormasyon, mabilis makita, madali maintindihan, at maigsing panahon lang ang kailangan. Nakakaantok na ang magbasa sa mundong fast-paced ang lahat ng bagay at mabilis ang takbo ng mga pangyayari.  

Ang problema sa hindi na pagbabasa ni Marian ay mabilis na siyang maloko ng fake news. Sa nugget-size na impormasyon na kanyang nakukuha, patikim-tikim, ay madami siyang hindi nalalaman. Isang bahagi ng katotohanan lang ang kanyang nakikita. At pwede pa itong gamitin ng mga may kontrol sa impormasyon. Sadyain na ito lang ang ipaalam kay Marian na katotohanan. Ito ang tine-take advantage ng mga trolls. 

Ang tanong ngayon ay paano makakahabol si Marian sa bilis ng dating ng impormasyon? Paano niya mapipili alin ang totoo at peke? At higit sa lahat, paano siya magkakaroon ng panahon?#

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here