Baha na lang ang Malalim sa Atin

0
64

Latest posts by @nagmamatyag (see all)

Huwag na maihi ang butiki baha sa maraming kalye sa kamaynilaan. Maging mga karatig lugar na dati’y paraisong bakasyunan ay di na rin nakaaalpas sa paglubog huwag na di bumigat ang buhos ng ulan. Ang lalim na ng baha sa Pilipinas. Pero ang pag-iisip, pag-aanalisa, pagbibigay-opinyon ay parang bumabaw na nang husto kasabay ng pagbaba ng standard natin sa kung sino ang pakikinggan at paniniwalaan. Kung kalian mas maraming Pilipino ang nakakapag-aral, nakakapag-abroad at may access sa Internet, saka pa naman walang kuwenta ang balitaktakan sa mga maiinit na isyu ng bayan.

Ano ang nangyari at ang babaw na ng Pinoy? Posible bang habang papaunlad ang kaalaman at teknolohiya saka naman paurong ang kakayahang mag-isip ng tao? Totoo nga yata ang tinuran na “gadgets are getting smarter while people are getting dumber” . Ano ang di maitatangging epekto nito sa atin?

Nasa panahon na naman tayo ng isang pagkakamali. Nagluklok na naman tayo ng mga lider na magsasamantala sa ating matinding paghanga sa kanila, paghangang pinalakas lamang ng walang tigil na propaganda ng mga bayaran at may sariling agenda. Sasandali pa lang tayong nakakatikim ng pamumunong di tayo ninanakawan o niloloko pero mas naniwala pa tayo sa mga pinagplanuhang pintas at paninira laban dito. Nasaan ang utak ng Pinoy nang namili tayo ng susunod na gobyerno? Nalunod na sa mga lihis na impormasyon at sa kung anu-anong gawa-gawang problema.

Babad tayo sa social media. Ang bilis ng koneksyon natin sa kahit na sinong nasa Internet tulad natin. Ang bilis ng sagap natin ng kung anu-anong di naman beripikadong impormasyon. Naniniwala tayo sa mga patawang edited na mga video at larawan. Di natin pinag-iisipan kung orihinal ba o peke o ginalaw ang mga ito. Ang importante ay mabilis nating napipindot ang like at share kahit pa nga kababawan lang ang laman ng mga nilalike at sineshare natin. Bakit nga ang babaw na natin?

Tingnan kung paano nagugulo ang bansa ng mga maling balita. Tingnan kung paano nagkakawatak-watak dahil sa paninira at panlilihis. Kinailangan pang mamatay ang maraming inosente o pinagsuspetsahan lamang dahil naniwala ang marami sa mababaw na dahilan ng pagtotokhang. Problema ang droga pero ang solusyon ay di talaga solusyon kundi paniniil at pang-aabuso sa mga walang ikakayang mangatwiran o lumaban.

Tingnan kung paanong bumaba ang ating ekomoniya at ngayo’y nanganganib ang maraming industriya at trabaho dahil pinalakpakan ang kababawan ng pinunong aliw sa sarili pag nagmumura at nagsisiga-sigaan laban sa mga dati nang kakalakalan at kaibigan. Bakit tinanggap natin ang pagmumura niya sa Santo Papa? Sa mga lider ng malalaking bansa? Sa iba pang kinainisan niya nang walang malalim na dahilan kundi ang pag-aabuso niya sa tinatamasang posisyon? Kasi sa umpisa pa lang ang mababa niyang tingin sa kapwa lalo na sa mga babae ay kinunsinti na natin. Litaw na ang likaw ng bituka pero ibinoto pa rin.

Ang babaw na nating mga Pinoy. Sa tagal ng ating kasaysayan; sa dami nang mga leksyon ng ating nakalipas; sa dami nang pagkakamaling dapat ay nagturo sa ating madala at huwag nang umulit pa, nagkamali pa rin tayo.

Ang pinakanakakainis sa kasalukuyan ay ang pag-angat sa lipunan ng mga basura ang ugali, bibig, at kilos. Kung dati’y ipinagwawalang-bahala na lang natin ang mga pananalitang nagbubunsod ng muhi, galit at lait sa kapwa, binigyan pa natin ng posisyon ang di-iilan sa kanila at ginagastusan ng gobyerno ang pagkakalat nila ng kabalahuraan. Bumagay sila sa nanalong pangulo pero dapat bang dumami pa sila at gawing tanga ang mga Pilipino na napipilitang bigyan sila ng pagpapahalaga dahil nakapuesto na o malapit sa nasa Palasyo? Ano ang kasalanan natin para ipagpilitan sa atin ang kababawang ito?

Mabuti pa ang baha, lumalalim kahit na nga humuhupa rin pagkatapos ng ulan. Kahit papaano naging malalim ito at pinag-isip ang tao kung paano siya susuungin o malalampasan. Pero ang diskurso ng lipunan lalo na sa pamahalaan, sa media at sa Internet, naging mababaw na at mukhang lalo pang bumababaw. May mga nakapapansin man at pilit pinalalalim ang usapan, mismong mga nasa gobyerno ang pinabababaw ito para di makapag-isip at mamulat ang bayan.

Samantala, papabulusok sa malalim na kumunoy ang pinaghirapan nating pag-angat paunti-unti bilang isang bansa. Ang mga senyales ay malinaw. Bumaba tayo sa di-iilang pandaigdigang sukatan. Bumaba ang halaga ng piso sa dolyar. Bumaba ang interes sa pagnenegosyo. Bumaba ang tiwala sa seguridad. Bumaba ang pala-palagay ng ibang bansa sa ating kakayahang umusad.

Sa lahat ng pagbaba at kababawan, itong kinasasadlakan natin ang lulunod sa atin.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here