Badtrip sa mister na super busy sa trabaho

0
20
payo, artikulo, pag-ibig, kabiguan, pagmamahal, paghanga, martir, pag-asa,

 

Dear Maria,

Naiinis na ako sa aking mister, busy palagi sa kanyang trabaho. Wala na siyang time sa akin at sobra akong nasasaktan. Gusto kong magreklamo sa kanya pero hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon niya. Ayoko namang pagsimulan iyon ng pag-aaway namin. Payuhan mo ako ng dapat kong gawin, please? — Shane 

Shane,

Maging open ka sa mister mo kung nais mong magkaroon kayo ng matibay na pagsasama. Walang masama kung sasabihin mo sa kanyang nakakainis siya dahil wala siyang time sa’yo. Dapat nga ay ma-guilty siya dahil hindi niya nagagawa ang responsibilidad niya sa’yo bilang asawa. Malay mo sa pamamagitan noon ay piliin niyang bumawi sa’yo. Naniniwala pa rin kasi ako na mas importante pa rin sa isang lalaki ang kanyang asawa.  

Kaya lang siyempre, may mga pagkakataon na kahit na hirap na hirap ka na, kailangang piliin mo na unawain siya. Kung minsan kasi, hindi lang siya nagpapaka-busy dahil sa kanyang trabaho kundi dahil sa iyon ang gusto niyang gawin. Ano ba ang trabaho niya? Isa ba siyang architech, engineer o businessman? Kung ganoon kabigat ang kanyang trabaho, talaga ngang dapat niyang bigyan ng atensyon ang kanyang trabaho. Hindi kasi iyon basta-basta. Kung may katiting na detalye siyang malalampasan, maaaring maging dahilan iyon para hindi maging perpekto ang kanyang trabaho.  

Huwag mong sabihin na masyado naman akong OA dahil totoo ‘yon. Kung may mali siyang na-design, sa palagay mo, mababayaran siya ng kanyang kliyente? Kung hindi niya natutukan ang building na kanyang ginagawa, paano kung may madisgrasya? At kung hindi siya magseseryoso sa kanyang negosyo, baka naman bigla na lamang itong bumagsak. Ang ibig kong sabihin, kailangan mo rin naman siyang hintindihin. Hindi maaari ‘yung ikaw na lang palagi ang magrereklamo. Baka hindi mo naiisip na napapagod din siya at gusto rin niyang mag-relax pero hindi niya magawa dahil sa kanyang responsibilidad. Sa kanyang trabaho at sa kanyang pamilya.  

Naisip mo na ba na kung sakaling mabibigo ang mister mo ay maaapektuhan ka rin? Siguro naman ay hindi mo rin gugustuhing maranasan na kapusin sa budget. Baka naman kapag dumating ang panahon na iyon ay mas makaramdam ka ng stress. Kaya, para hindi mo na maranasan pa iyon, mas maigi kung pipiliin mo na lang na suportahan ang iyong asawa. Sigurado naman ako na kapag hindi na siya busy sa trabaho ay bibigyan ka rin niya ng time. At pagkatapos, pupuwede pa siyang bumawi sa’yo ng bonggang-bongga. Malay mo, may surprise vacation siya para sa’yo.  

Kaya, huwag mo na hayaang sumama ang loob mo sa’yong mister. Bilang misis, kailangan mo siyang unawain sa abot ng iyong makakaya. Ang responsibilidad mo kasi sa kanya ay mahalin at suportahan siya kaya walang dahilan para hayaan mong magkapuwang ang negatibong emosyon sa damdamin mo. Isipin mo na lang na mas magiging happy ka kung siya ay lagi mong makikita. Isaksak mo rin sa’yong isipan na mapalad ka dahil ang mister mo ay responsable kaya tutok na tutok siya sa kanyang trabaho.  

Kung ako sa’yo, makukontento ako sa kung anong mayroon ka. Responsable ang mister mo, iyon ang mahalaga. Hindi mo naman siguro gugustuhing piliin iyong lalaking sweet nga pero iresponsable naman. ‘Yun ang mga lalaking ginagawang trabaho ang pambobola sa mga babae para hindi na nila naisin pang magbanat ng buto. Maraming lalaking ganyan. Magaling lang gumawa ng anak pero hindi naman alam kung paano bubuhayin ang mga ito kaya sa huli, ang mga bata ang kawawa. Biro mo, isinilang lang sila sa mundong ito para makaranas ng paghihirap.

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here