Bad Genius (Movie): Sistemang mapagbawal kaysa sumusuporta

0
42

Ang Bad Genius ay pelikula mula sa Thailand na tungkol sa kwento ni Lynn na isang napakatalinong estudyante sa Senior High School. Tinulungan niya ang kanyang mga kaibigan at nagpabayad sa kanyang mga kaklase sa pamamagitan ng pagpapakopya sa kanila ng mga sagot sa mga exam sa loob at labas ng eskwelahan.  

Sa mga masunurin sa mga patakaran, ang unang reaksyon ay “masama iyang kopyahan”. Samantalang sa mga minsan na ring nagkopyahan sa loob ng classroom, nagpapaalala ng mga paraan ng kopyahan nila noon o “bakit di namin naisip iyan”. 

Nagsimula ang lahat ng sinabi ni Grace na kaibigan ni Lynn na matatanggal siya sa drama club kapag hindi niya nakuha ang minimum grade requirement. Alam ni Lynn kung gaano kahalaga para kay Grace ang pag-arte kaya tinulungan niya ito. Naalala ko dito ang isa sa mga sinabi ng henyong si Albert Einstein, “Everybody is a genius, but if you judge a fish by its ability to climb a tree, it will live its whole life believing that it is stupid”. Ilang beses sinabi ni Grace na kumpara nga kay Lynn, mukha siyang “stupid”. Pero paano nga kung ang talino ni Grace ay nasa sining ng pag-arte at wala sa matematika. Mawawalan na siya ng pagkakataon na magtagumpay sa kung saan siya tunay na magaling, parang isdang pinipilit na umakyat sa puno, pinipilit na maging magaling sa matematika, kahit na hindi naman ito ang kanyang talento.  

Ano ba talaga ang layunin ng exam? Hindi ba’t dapat pangsukat ito ng naabot na kaalaman ng isang tao, para malaman ano pa ang kailangan matutunan nito. Hindi para ibagsak siya at pigilan na sa mga maaari pa niyang gawin. Mas maganda ang exam na makapagsasabi na, “dito ka magaling, at dito ka pa kailangan mag-improve”. Hindi “magaling ka dito, bobo ka diyan”. 

Ihambing ko lang din sa sinabi ng isang katrabaho ko, may mga indibidwal at institusyon na takot sa regulatory standards. Bakit? Kasi natatakot sila na patigilin sila sa kanilang ginagawa, iniisip na hindi sila papasa, o nag-aalalang masabihan na “wala kayong kapasidad”. “Bagsak kayo”. Ang salitang bagsak ay negatibo at mabigat na salita. May pagtutuldok, may konklusyon. Sabi ng katrabaho ko, mas magandang tingnan ang regulatory standard bilang gabay sa kung saan pa pwedeng gumawa ng improvements. Alamin saan ang kahinaan, at problema, para iyon ang matutukan at mabigyang solusyon. Magkaroon ng debelopmental na pag-iisip.  

Nahuli ang pagkokopyahan at nalaman na may pagpapabayad para gawin ito. Ipinatawag ng principal ang tatay ni Lynn. Awtomatikong maiisip na labag ito sa mga patakaran. Bawal naman talaga ang pagkokopyahan. Pero ang nakatatak na layunin para mga estudyante ay ang pumasa sa exam. Ekspektasyon ito ng paaralan at ng mga magulang nila. Can the end justify the means? Dahil nga naging pagtingin na sa exam ay isang paraan para masukat sino ang matalino at hindi, imbis na para masukat ano ang kaalaman at kailangan pang matutunan ay tumataas ang pressure para maipasa ito. Ang pangongopya ay nagiging parang “hack” sa sistema ng edukasyon. At sabi nga, sa totoong buhay, yung tinatawag nating benchmarking ay pinagandang termino para sa pangongopya. Masama pa ba ang mangopya kung paglabas naman natin ng paaralan ay mangongopya pa rin naman talaga tayo? 

Hindi man ito ang kadalasang pag-iisip pero magandang bigyang atensyon ang diskarte ng mga estudyante sa pelikula. Ang pagiging “street smart” ay isang bagay na hindi naman naituturo sa classroom. Sabi ko nga habang nanonood ng pelikula, “ganyan naman ang nangyayari sa totoong mundo”. May pera ka, magbabayad ka para sa access na makuha yung mga bagay na kailangan mo. Sa sitwasyong ito, kailangan ng mga sagot sa exam noong mga estudyanteng may pera. At para sa isang taong may kaalaman, ibebenta mo ang iyong kakayahan para naman kumita ng pera. Sa sitwasyon ni Lynn, talino ang kanyang puhunan dahil hindi naman sila mayaman ng kanyang tatay. Kung tutuusin, taliwas man sa mga patakaran ng edukasyon, ay nakabuo ng isang business model ang mga estudyanteng ito na magagamit nila sa totoong buhay at hindi ito itinuro sa kanila. Natutunan nila itong mag-isa.  

May isang pinagkunan ng ideya si Lynn. Ang isa sa kanilang mga guro na nagtu-tutor ng mga estudyante ay nagbibigay ng eksaktong exam questionnaire sa mga tinuturuan niya. Mismong nasa awtoridad ay lumabag sa patakaran.  

Naging kapalit ng pandarayang ito ang pagkakataon na makakuha ng scholarship si Lynn. Hindi sila mayaman at katalinuhan niya ang kanyang puhunan pero lumalabas na sadyang may presyo ang edukasyon. Hindi madaling maabot ang kaalaman para sa mga walang pera. 

Sa huli ay iba-iba ang naging epekto ng insidente sa bawat indibidwal. Kay Lynn, pwedeng sabihin na ito ay isang eye-opener. Napagdesisyunan niyang maging guro din para maituro ang kanyang mga natutunan, hindi lang akademiko kundi pati karanasan. Hindi naman niya itinuring na tama ang kanilang ginawa. Pero inaasahan ko na ang karanasan niya ay maaaring magdala ng mga pagbabago. Isang karakter na hindi ko nabanggit ay si Bank na para ring si Lynn na matalino pero hindi mula sa mayamang pamilya. Hindi na siya maaaring mag-aral abroad dahil nahuli ang “leakage” na kanilang ginawa. Natuldukan ang oportunidad para sa kanya at natuto siya ng mapait na life experience. Ngunit kaysa corrective ay naging corruptive ang epekto. Para kina Grace at boyfriend nitong si Pat, sila ang mula sa mga may-kayang pamilya, kaya may access sila sa maraming bagay.  

Bilang konklusyon naisip ko na ang edukasyon ay dapat para sa lahat. Abot-kamay ng lahat, may pera man o wala. Ang edukasyon ay dapat sumusuporta sa mga indibidwal base sa kakayahan nila. Hindi ang indibidwal ang mag-aadjust sa mga standard ng edukasyon kung hindi ay ang edukasyon ang magkakaroon ng iba’t ibang paraan para linangin ang kakayahan ng indibidwal base sa pangangailangan nito. Ang edukasyon din ang maghahanda sa mga tao para sa totoong buhay. Yung mga itinuturo sa eskwelahan ay may kasamang aplikasyon sa nangyayari sa mundo sa labas ng classroom.#

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here