Anong Gawin Mo Para Sa Mga Mahihirap Na Batang Pilipino?

0
24

Naging mahirap man tapusin ang iba’t ibang proyekto na hinahawakan ko, nakuha ko pa rin bisitahin ang isa sa mga daycare na dati kong na puntahan. Sinalubong ako ng mga batang puno ng tawanan at mga masasaya nilang mukha. Pagod man ako sa buong araw na paglalakad, nakuha pa rin nila akong pangitiin habang nakikipagkuwentuhan ako sa kanila.

Nang nakausap ko ang kanilang guro, inulit na naman niya ang kanyang kuwento nu’ng huli kaming nag-usap. Umasa man ako na matulungan sila ng gobyerno, ngunit wala pa ring pagbabago. Hindi ko man alam kung ano ang nangyari sa mga ipinangako, pero umaasa pa rin ako sa mga pwedeng mangyari, lalo na sa bagong pamunuan na puro pangako.

Nang huli kaming mag-usap, panatag ang aking kalooban na mabibigyan sila ng tulong, lalo’t na sa mga pagkain ng mga mag-aaral. Kahit konting allowance lang. Ayon sa kanilang guro, wala pa rin daw balita tungkol sa  sustento para sa mga pagkain ng mga bata kaya’t tuloy pa rin ang mga nagkakawanggawa sa paglaan ng kanilang mga suweldo para sa pagkain o gatas ng kanilang mga estudyante.

Nang pauwi na ako, niyaya ako ni Charlene na dumalo sa kanyang munting salu-salo. Kaarawan kasi niya. Nakausap ko ang kanyang ina na si Anabelle,  isang single mother. Nabuntis si Anabelle nu’ng magtrabaho siyang GRO sa isang bar. Disinueve lamang siya noon. Hindi niya kilala kung sino ang ama ni Charlene. Mahirap man ang buhay, pinili pa riin niyang buhayin ang kanyang anak.

Nagtatrabaho siya ngayon bilang saleslady sa isang mall sa Bacolod. Hindi man kalakihan ang sweldo, pero ipinagmamalaki niya na disenteng trabaho ang pagiging saleslady. Hirap man sa buhay gusto niyang mabigyan ng magandang kinabukasan ang anak, hindi sumusuko si Anabelle. Hayan nga at nabigyan pa niya ng handa si Charlene.

Isa lamang si Anabelle sa milyon-milyong single mother na nagpapakahirap matustusan ang pangagailangan ng kanyang anak. Hindi man madali ang buhay para sa kanya, pero nakuha pa rin ng mag-ina na maging masaya at makontento sa kanilang buhay.

Ang tulong ng gobyerno ay masyadong minimal, at hindi ito sapat na tustusan ang mga pangangailangan ng mga batang nabubuhay sa kahirapan. Noon pang 2016, may nakasalang ng budget para sa mga estudyante, upang malabanan ang malnutrisyon.

Inaprubahan ng senado na taasan pa sa isang bilyon ang pondo para sa pagkain ng mga bata. Ipinaubaya ito sa Department of Social Welfare and Development. Ang halaga ay tinaasan sa 4.4 bilyon sa 2017. Ang budget na ito ay makakapakain na sa 1.74 milyon na bata sa loob ng 120 na araw.

Ilang beses nang pinangakuan ng gobyerno ang mga LGU na nais nilang matustusan ang pangangailangan ng mga  mag-aaral tila na uuwi pa rin ito sa pagkabigo. Hanggang sa araw na ito, karamihan sa mga single parents ay nagpapakahirap sa 2 hanggang 3 trabaho o nag-u- OFW.

Hinahangaan ng karamihan ang katapangan at katatagan ng mga ulirang ina. Iba man ang pananaw ng karamihan sa kanila, pero sila ay nagsisilbing inspirasyon sa bawat Pilipinong nagpapakahirap upang matulungan ang kanilang pamilya.

Ang PhilippineOne ay gustong tumulong. Magbigay ng tulong sa mga mag-aaral. Sa mga daycare center sa Bacolod.

Hinihikayat rin namin ang aming mga mambabasa na tumulong. Hindi man pinansiyal, pero ang magbahagi ng aming misyon na maibsan ang malnutirsyon sa Pilipinas. Nais man naming mabigyan ng pangkabuhayan ang bawat Pilipino upang hindi na lamang umasa sa gobyerno upang makakain, kailangan din namin ng sapat na pondo.

Bilang Pilipino, walang pagbabagong mangyayari kung hindi tayo magtutulungan. Kailangan nating isulong ang bayanihan upang maiayos ang bansa at maibsan ang pagkagutom.

Bilang magbabasang Pilipino, ano ang pwede mong gawin upang maka tulong sa iyong mga kababayan?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here