Ang pagkamatay ni Ricky

0
52

Jhen Dechilla

My name is Jhen Dechilla, a single mother and one-time OFW but I now choose to stay in the Philippines to be with my daughter.

Parang kailan lang ay nagpunta ako sa patay, ngayon ay nagpunta na naman ako. Namatay kasi ang customer ng kakambal kong si Ghing kaya naman naisipan naming pumunta sa Malolos, Bulacan kung saan siya nakaburol. Siyempre, naging malapit din naman siya sa amin. Naging kabiruan nga namin si Ricky.

Hay, ang totoo, walang sinuman sa amin na makakaalam na mamamatay na pala siya ng araw na iyon. Kahit pa sabihing nagpapa-dialysis siya,malakas pa naman siya. Nasa thirty-five lang naman kasi siya. Kaya nga lang talagang kung minsan, hindi natin alam kung ano ba ang maaaring mangyari bukas. Kaya, sana ay lagi tayong maging handa kaya lang, napakahirap namang gawin iyon. Walang sinuman sa atin na gugustuhin na mag-goodbye tayo agad sa mundong ibabaw.

Hindi man ako pinanganak na mayaman, katunayan nga ay maraming pagsubok na dumarating sa aking buhay pero hindi ko gusto na mamatay ng maaga. Kaya, hanggang sa makakaya ko ay inaalagaan ko ang aking kalusugan. Gayunman, mga katsismosa, may mga pagkakataon talaga na hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa atin bukas. Gaya na nga lang ng nangyari kay Ricky.

Maganda naman ang gising niya ng araw na iyon, kumain pa nga siya sa karinderya ni Ghing. At nag-motor din sila ng misis niya pauwi. Kaso nga lang, nasiraan sila kaya nagawa pa niyang itulak ang motor hanggang sa kanilang bahay. Ngunit dahil nga may karamdaman siya sa dugo, nakaramdam siya ng kapaguran at noong madaling araw na iyon ay bigla na lamang siyang napabangon para sabihing naninikip ang kanyang paghinga. Kasunod noon, ang kanyang kamatayan.

Sa tingin ko, hindi rin makapaniwala si Ricky na wala na siya sa mundong ito kaya naman, hindi pa rin siya matahimik sa kanyang kinaroroonan. Kunsabagay, hangga’t hindi pa naman sumasapit ang ika-apatnapung araw ay nanatili pa rin sa lupa ang isang namatay. At iyon nga ang ginagawa ni Ricky ngayon, gumagala pa siya at nagsasabi ng kanyang mga bilin.

Oy, mga ka-tsismosa, huwag mong sabihin na nasisiraan na ako ng ulo. Totoo ang sinasabi ko at marami ang makapagpapatunay nito. Dahil nga sa malalapit kami sa  mag-asawang Ricky at Roma, sumama kami ni Ghing at ni Glaiza. Iyak nang iyak ang malapit na kaibigan ni Ricky na si Tita Lani nang lumapit si Camille, ang bilas ni Ricky kasama ang asawa nitong si Richard.

“Sino ba rito si kakosa ni Ricky?”

Lahat kami ay napatingin kay Tita Lani, siya kasi ang laging tinatawag ni Ricky noon ng kakosa.

Si Camille ang nagsalita. “Si Ricky kasi ay bulong nang bulong sa akin.”

Nanlaki ang mga mata ko sa narinig. Kung iba lamang ang sitwasyon, napahagalpak na ako ng tawa. Para kasing nagsasabi ito ng kalokohan pero kita ko sa face niya ang kaseryosohan, mga katsismosa. Malalim na buntunghininga rin ang pinawalan nito n para bang naiintindihan kung bakit nagtatanong ang hitsura nila rito.

“Alam kong imposible pero totoo, binulungan ako ni Ricky. Ang sabi niya sa akin, sabihin mo naman kay kakosa, sumilip naman siya sa akin bago ako ilibing.” Kaya naman lalong napaiyak si Tita Lani. Pagkatapos ay ang kanyang mga kasamahan. Ang tawagan kasi nina Ricky at Tita Lani ng kakosa ay doon lamang sa kanilang opisina. Matagal na ring hindi umuuwi sa Malolos si Ricky kaya imposibleng malaman ng mga kapamilya nito ang sa tawagan na iyon.

Kaya naman, lahat kami ay kinilabutan. Walang dahilan din para di kami maniwala kay Camille na kinakausap nga ito ng bayaw. Alam daw kasi ni Ricky na may kakayahan si Camille na makarinig ng bulong buhat sa namatay na. Kaya naman, maraming bilin si Ricky.

Sabihin mo kay Roma, okay lang sa akin na mag-asawa siya ulit. Huwag lang niyang pababayaan ang mga anak namin.”

Kaya naman, hindi ko napigilan ang mapaiyak. Maliliit pa kasi ang mga anak nina Roma at Ricky kaya hindi ko halos ma-imagine kung paano niya bubuhayin ang mga bata. Pero, sabi raw ni Ricky ay hindi niya pababayaan ang kanyang mag-iina. Shucks, talagang ang mga lalaking may pakialam sa kanyang pamilya ay nagpapakaasawa at ama pa rin kahit wala na siya sa mundong ito. Kaya, ang matandang dalagang kapatid ni Ricky ay nangako rin na hindi niya pababayaan ang pamilya ng kanyang kapatid.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here